LLL 8 Ang Mga Gawa ng Banal na Espiritu

LLL 8 Ang Mga Gawa ng Banal na Espiritu

абрис: The young Church and Paul. 24 sections. It has a picture book to go along with the recording. This Simple script is meant for unwritten languages where the translation must be oral.

Номер сценарію: 425

Мову: Tagalog

Тема: Sin and Satan (Spiritual Warfare, Deliverance); Christ (Ascension); Eternal life (Salvation); Character of God (Holy Spirit, Word of God (the Bible), Power of God / Jesus); Living as a Christian (Worship, Church, Christianity, No other gods, idols, Repentance, Faith, trust, believe in Jesus, Children of God, Spiritual Life, Christian values); Bible timeline (Gospel, Good News); Problems (Problems, troubles, worries)

Аудиторія: General

Мета: Teaching

Features: Monolog; Bible Stories; Paraphrase Scripture

Статус: Approved

Сценарії є основними вказівками для перекладу та запису на інші мови. Їх слід адаптувати, якщо це необхідно, щоб зробити їх зрозумілими та відповідними для кожної окремої культури та мови. Деякі терміни та поняття, які використовуються, можуть потребувати додаткових пояснень або навіть бути замінені чи повністю опущені.

Текст сценарію

Introduction

Introduction

Magandang araw. Ang programang inyong mapapakingan ay nagtuturo tungkol sa Banal na Espiritu ng Diyos. Tingnan ang larawan sa kulay lila na aklat at makinig, ilipat sa susunod na larawan kapag narinig niyo ang tunog na ito. (MUSIC)

Unang Larawan. Si Hesus ay bumalik sa langit

Unang Larawan. Si Hesus ay bumalik sa langit

Mga Gawa 1:1-11

Makikita natin sa larawan na si Hesus ay iniakyat sa langit, at habang nakatingin ang mga alagad sa kanya na pumapaitaas, tinakpan siya ng ulap at agad na nawala sa kanilang paningin. Bakit Siya pumunta sa langit? Sa pasimula si Hesus ay kasama na ng Diyos, at Siya ay ang totoong Diyos. Pagkatapos ng mahigit na dalawang libong taon si Hesus ay bumaba sa lupa mula sa langit. Ipinanganak Siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ng isang birhen na nagngangalang Maria, na nakatira sa isang bayan na tinatawag na Bethlehem. Si Hesus ay nagkatawang tao, upang ipakita kung sino ang Diyos. Ninais din Niya na tayong lahat ay magkaroon ng malapit na relasyon sa Kanya. Subalit, tayo ay hindi naging tapat sa Diyos at sinira natin ang magandang relasyon sa Kanya. Dahil sa ginawa nating ito ay hindi natin nabigyan ng karangalan ang Diyos at ito ay naghatid pa sa atin ng kahihiyan sa ating sarili. Lahat tayo ay nabubuhay sa kasalanan. Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit mahal ng Diyos ang lahat ng tao. Gumawa Siya ng paraan upang mapanumbalik tayo sa Kanya. Ipinadala Niya si Hesus sa mundo upang mamatay para sa ating mga kasalanan. Pinatay ng mga masasamang tao si Hesus sa pamamagitan ng pagpako sa Krus kahit wala naman Siyang ginawang kasalanan sa Diyos. Ang Kanyang Kamatayan ang nagpanumbalik sa magandang relasyon ng Diyos sa tao. Nakita ng maraming tao kung paano Siya namatay sa Krus ngunit marami din sa Kanyang mga alagad at apostol ang nakakita din kung paano Siya nabuhay na muli mula sa kamatayan. Ito rin ang oras ng sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Herusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.” Pagkasabi ni Hesus, iniakyat na Siya sa langit katulad ng nakikita natin sa larawan. Darating ang araw na Siya ay muling magbabalik sa Kanyang kaluwalhatian upang hatulan ang lahat ng tao sa mundo. Ang lahat ng tao na nakarinig ng mabuting balita tungkol kay Hesus, naniniwala at nananalig sa Kanya, ay magkakaroon ng buhay na kaloob sa walang hanggang kaluwalhatian kasama ng Diyos bilang Kanyang mga anak. (Music)

Pangalawang Larawan: Ang pagbaba ng Banal na Espirito

Pangalawang Larawan: Ang pagbaba ng Banal na Espirito

Acts 2:1-12

Nang si Hesus ay umakyat sa langit, nagtipon ang kanyang mga alagad sa isang bahay upang manalangin. Nang bigla silang nakarinig ng ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas na hangin. Ang mga tao ay nakakita ng parang dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila. At silang lahat ay napuspos ng Espiritu ng Diyos katulad ng ipinangako ni Hesus, at nagsimula silang maghayag ng mga kamangha-manghang bagay patungkol sa Diyos sa ibat ibang wika. Tinutupad ni Hesus ang kanyang mga pangako; Ipinadala Niya ang Kanyang Espiritu para sa lahat ng tao na nagbibigay papuri sa Kanya ng may ganap na katapatan at pananampalataya. (Music)

Ikatlong Larawan. Nangaral si Pedro sa mga Tao

Ikatlong Larawan. Nangaral si Pedro sa mga Tao

Gawa 2:13-41

Nang bumaba ang Banal na Espiritu ng Diyos sa mga apostol ni Hesus sila ay nasa lungsod ng Herusalem sa lupain ng mga Judio. Nang panahong iyon maraming Judio ang nasa Jerusalem na nagmula sa iba’t ibang mga bansa upang makipagdiwang sa kapistahan ng mga Judio, sila ay nakakapagsalita ng ibat ibang mga wika. Tinulungan ng Banal na Espiritu ang mga apostol ni Hesus na magsalita ng lahat ng mga wikang ito upang ang mga taong naroon ay makarinig at maunawaan ang mensahe tungkol sa Panginoong Hesus sa sarili nilang katutubong wika. Subalit inisip ng ilang mga taong naroroon na ang mga apostol ni Hesus ay lasing. Kaya't isa sa mga apostol ni Hesus na si Pedro ay tumayo kasama ang labing-isang apostol. Nagsalita sila sa karamihan ng mga tao, “Ang mga taong ito ay hindi lasing katulad ng inyong akala, sila ay napuspos ng Banal na Espiritu ng Diyos.” Nangaral si Pedro ng mabuting balita tungkol kay Hesus. Maraming tao ang naniwala sa sinabi ni Pedro. Sila ay nagpabautismo bilang tanda ng kanilang pagtalikod sa kanilang mga kasalanan. Natanggap din nila ang Banal na Espiritu ng Diyos at nagsimulang sumunod sa mga turo ni Hesus. (Music)

Ika-Apat na Larawan: Ang mga unang mga Mananampalatayang Kristiyano

Ika-Apat na Larawan: Ang mga unang mga Mananampalatayang Kristiyano

Gawa 2:42-47; 1 Corinto 11:17-34

Noong araw na iyon maraming mga tao sa Herusalem ang sumampalataya at naging mga tagasunod ni Hesus. Ang mga taong ito na tumanggap ng Banal na Espiritu ng Diyos ay nagsimulang magsama-sama katulad ng isang malaking pamilya at iyon ang simula ng unang Sambahang Kristiyano. Hindi naglaon ang mga taong ito ay tinawag na mga Kristiyano. Pinagsasama-sama nila ang kanilang mga ari-arian at ibinahagi sa bawat isang nangangailangan, at sila ay nagmalasakit sa isa't isa. Araw-araw silang pumapasok sa Templo ng Diyos sa Herusalem. Doon ay sama-sama silang nanalangin at nagpupuri sa Diyos. Ang mga disipulo ni Hesus na naging mga apostol ang nagturo sa kanila ng tungkol sa Salita ng Diyos. Ang mga Kristiyano ay nagsama-sama din sa kanilang mga tahanan, kung saan pinagsaluhan nila ang kanilang mga pagkain. At madalas din silang magsama-sama upang gawin at pagsaluhan ang banal na hapunan. Iniutos ni Hesus sa Kanyang mga disipulo na gawin ito sa ganitong paraan. Noong gabing Si Hesus ay ipinagkanulo, kasama Niya ang mga disipulo na naghahapunan at dumampot Siya ng tinapay, nagpasalamat at pinagpira-piraso at ibinigay sa kanyang mga alagad. Ang tinapay ay ang simbulo ng katawan ni Hesus na nagkakagutay-gutay sa krus para sa kanila. Pagkatapos maghapunan ay dumampot Siya ang kopa at ibinigay niya sa kanyang mga disipulo. Ang inumin ang simbulo ng dugo ni Hesus na dadaloy sa Krus para sa kanila. Inutusan ni Hesus ang Kanyang mga alagad na gawin ito bilang pag-alaala sa Kanya. Ang sinumang nagtitiwala at susunod sa Kanya ay nararapat din na gawin ang Banal na Hapunan, dahil sinasabi sa Salita ng Diyos, “...tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito.” (Music)

Ika-Limang Larawan. Napagaling ang Pulubing Lumpo

Ika-Limang Larawan. Napagaling ang Pulubing Lumpo

Gawa 3:1-4:4

Isang araw si Pedro at Juan ay nagtungo sa templo ng Diyos upang manalangin. Isang pulubi ang nakaupo sa may pintuan. Ipinanganak siya na lumpo at kailanman ay hindi nakapaglakad. Siya ay
humingi ng limos kina Pedro at Juan. Sinabi sa kanya ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, ngunit kung ano ang mayroon ako ay siya kong ibibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad.” Hinawakan ni Pedro ang kanyang kanang kamay at tinulungan siyang makatayo. At agad na lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki. Pagkatapos, sumama siya kina Pedro at Juan sa templo. Palakad-lakad at patalon-talon siyang nagpupuri sa Dios. Hindi si Pedro ang nagpagaling sa lalaki. Ang pananampalataya kay Hesus at kapangyarihan ng Banal na Espiritu ang nagpagaling sa kanya. Nakatanggap siya ng biyaya na mas higit pa sa salapi. (Music)

Ika-anim na Larawan. Ang Mag-asawa na nagsinungaling

Ika-anim na Larawan. Ang Mag-asawa na nagsinungaling

Gawa 4:32-37, 5:1-11

Isang lalaki na ang pangalan ay Bernabe ang nagbenta ng kanyang mga ari-arian at ibinigay sa simbahan upang makatulong sa mga mahihirap. Isang mag-asawa, na nagngangalang Ananias at Safira ang nagbenta din ng kanilang mga ari-arian. Ngunit nagtago sila ng ilan sa mga salapi para sa kanilang sarili. Isang bahagi lamang ng salapi ang dinala ni Ananias kay Pedro. Siya ay nagsinungaling kay Pedro dahil sinabi niya na ang kanyang ibinigay ay ang lahat ng napagbentahan ng kanilang mga ari-arian. Alam ni Pedro na siya ay nagsisinungaling, kaya tinanong niya kay Ananias, “Ananias, bakit ka nagpalinlang kay Satanas? Nagsinungaling ka sa Banal na Espiritu dahil binawasan mo ang pinagbilhan ng lupa. Hindi ka nagsinungaling sa mga tao kundi sa Diyos.” Agad na natumba si Ananias at namatay. Agad naman siyang nilapitan ng mga binata, binalot ang kanyang bangkay at inilibing. Pagkaraan ng ilang oras, dumating si Safira. Hindi niya alam kung ano ang nangyari kay Ananias. Nagsinungaling din siya kay Pedro tungkol sa salaping pinagbilhan. Kaya sinabi ni Pedro sa kanya. “Bakit nagkaisa kayong subukin ang Espiritu ng Panginoon? Hayan! Kadarating pa lamang ng mga naglibing sa iyong asawa, at ikaw naman ngayon ang isusunod nila!” Noon di'y nabuwal si Safira sa paanan ni Pedro at namatay. Sina Ananias at Safira ay hindi pinahalagahan ang karangalan ng Diyos at ang Kanyang Espiritu dahil sa pagsisinungaling. Nagpanggap silang mapagpagbigay, ngunit binawasan nila ang salaping pinagbilhan ng kanilang lupa. Alam ng Diyos ang masasama at mabubuting pag-iisip ng bawat isa sa atin, at wala tayong maililihim sa Kanya. (Music)

Ika-pitong Larawan. Ang Pagpatay kay Esteban

Ika-pitong Larawan. Ang Pagpatay kay Esteban

Gawa 6:1 - 8:3

Makikita sa larawan ang isang grupo ng mga tao na binabato ang isang lalaki na nagngangalang Esteban. Naglilingkod siya bilang pinuno ng simbahan, tumutulong sa mga mahihirap na tao sa Herusalem. Matapang niyang ibinabahagi ang mabuting balita ng Diyos sa mga tao at gumagawa din ng mga himala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ngunit may mga Judio na sumasalungat sa kanya. Dinala nila si Esteban sa hukuman at pinaratangan ng mali, na siya ay nanghahamak at nang-aalipusta ng pangalan ng Diyos at nagtuturo ng mga maling turo laban sa salita ng Diyos. Ngunit si Esteban ay hindi natakot, dahil binigyan siya ng kapangyarihan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Sinabi ni Esteban sa mga Judio na sila ang dahilan ng kamatayan ni Hesus na dumating upang magbigay sa mga tao ng buhay na walang hanggan. Pagkatapos ay tumingala siya sa langit at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Hesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. At sinabi niya. “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukas ang kalangitan at ang Anak ng Tao na nakatayo sa kanan ng Diyos.” Nagalit ang mga Judio sa kanya at kinaladkad siya palabas ng lungsod at pinagbabato nila si Esteban habang na nananalangin ng ganito, “Panginoong Hesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” Bago siya mamatay ay sumigaw siya ng malakas, “Panginoon huwag mo po silang pananagutin sa kasalanang ito!” at pagkasabi nito siya ay namatay. Ang taong bumato kay Esteban ay naglagay ng kanilang mga balabal sa paanan ng isang batang pinuno ng mga Judio na nagngangalang Saulo. Pinahintulutan niya ang pagpatay kay Esteban. Kahit sa panahon ngayon ang mga taong nananampalataya at naglilingkod sa Diyos ay nakakaranas ng matinding pag-uusig mula sa mga masasamang tao. Ngunit kailan man ay hindi sila pababayaan at iiwan ng Diyos, kahit sa kanilang kamatayan. (Music)

Ika-walong Larawan. Ang Manlalakbay na Taga-Etiopia

Ika-walong Larawan. Ang Manlalakbay na Taga-Etiopia

Gawa 8:4-8, 26-40

Nang araw na iyon si Saulo at ang iba pang mga kalaban ng Simbahang Kristiyano ay nagsimula ng usigin ang lahat ng mga mananampalataya sa Herusalem. Dahil dito, nagkahiwa-hiwalay ang lahat ng mga mananampalataya sa iba’t ibang lugar. Isang lalaki na nagngangalang Felipe ay nagpunta sa lungsod ng Samaria. Doon ay ipinahayag niya sa maraming tao ang Mabuting Balita tungkol kay Hesus at marami sa mga tagaroon ang nanalig kay Hesus. Sa pamamagitan ng isang anghel, sinabi ng Diyos kay Felipe, “Pumunta ka agad sa timog, at sundan mo ang daan na mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” At sinunod ni Felipe ang sinabi sa kanya ng Diyos. Sa larawan ay makikita natin ang isang mahalagang tao na galing sa bansang Etiopia. Siya ay naglalakbay sakay ng kanyang karwahe. Nagbabasa siya ng Salita ng Diyos mula sa aklat ni Propeta Isaias tungkol sa isang taong naghirap at pinarusahan ng hindi makatarungan, ngunit hindi naman niya maunawaan ang kanyang binabasa. Sinabi ng Espiritu ng Diyos kay Felipe, “Sabayan mo ang sasakyang iyon.” Kaya patakbong lumapit si Felipe at narinig niyang binabasa ng pinuno ang aklat ni Propeta Isaias. Tinanong ni Felipe ang pinuno, “Nauunawaan ba ninyo ang inyong binabasa?” Sumagot naman ito, “Paano ko ito mauunawaan kung walang magpapaliwanag sa akin?” Ito ang bahagi ng Kasulatan na kanyang binabasa: “Siya ay tulad ng isang tupang dinadala sa katayan; tulad ng isang korderong hindi tumututol kahit na gupitan. At hindi umiimik kahit kaunti man. Siya'y hinamak at pinagkaitan ng katarungan. Walang sinumang makapagsasalaysay tungkol sa kanyang angkan, sapagkat kinitil nila ang kanyang buhay.” Pagkatapos ay tinanong ng taga-Etiopia si Felipe, “Sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy ng propeta, ang sarili ba niya o ibang tao?” At sinimulang ipaliwanag ni Felipe sa lalake ang tungkol sa Panginoong Hesus na sinugo ng Diyos. At ang lalaki ay nanalig at nagnais na sumunod kay Hesus. Habang sila ay magkasamang naglalakbay ay sinabi niya kay Felipe, “May tubig dito. May dahilan pa ba para hindi ako mabautismuhan?” At binautismuhan nga ni Felipe ang lalaki at ito ay nagpatuloy sa paglalakbay pabalik ng kanyang bansa ng may labis na kagalakan. Si Felipe naman ay nagpatuloy sa pangangaral ng Salita ng Diyos sa maraming bayan. (Music)

Ika-Siyam na Larawan. Ang Pangitain ni Pedro tungkol sa mga hayop

Ika-Siyam na Larawan. Ang Pangitain ni Pedro tungkol sa mga hayop

Gawa 10:9-18

Isang araw ay umakyat si Pedro sa bubungan ng bahay upang manalangin. Doon siya ay nagutom at gusto na niyang kumain. Nang oras ding iyon ay nakakita siya ng kakaibang pangitain mula sa Diyos. Nakita niyang ibinababâ sa lupa ang isang parang malaking kumot at naroon ang lahat ng uri ng mga hayop. Narinig niya ang isang tinig, “Pedro! Tumindig ka, magkatay ka at kumain.” Si Pedro ay isang Judio at ayon sa batas ng Judio na ang mga hayop na nakita ni Pedro doon ay marurumi at hindi dapat kainin. Kaya sumagot si Pedro, “Hindi ko po magagawa iyan, Panginoon! Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.” Muli niyang narinig ang tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” Nangyari ito ng tatlong beses at pagkatapos ay kaagad na iniakyat sa langit ang kumot na iyon. Habang iniisip ni Pedro kung ano ang ibig sabihin ng pangitain, may tatlong lalaki ang dumating sa bahay at siya ay hinahanap. (Music)

Ika-sampung Larawan. Ang Mabuting Balita para sa lahat ng mga Bansa

Ika-sampung Larawan. Ang Mabuting Balita para sa lahat ng mga Bansa

Gawa 10:1-8, 19-48

Ang tatlong lalaki na dumating na naghahanap kay Pedro ay galing pa sa ibang bayan, sila ay isinugo ng isang lalaki na nagngangalang Cornelio. Si Cornelio ay isang pinuno ng Hukbong Romano. Nais niyang bigyan ng karangalan at paglingkuran ang Diyos. Nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Diyos na nagsabi sa kanya na sunduin si Pedro. Itinuturing ng mga Judio na marumi ang mga Romano, subalit ipinakita ng Diyos kay Pedro sa pamamagitan ng isang pangitain na walang sinuman ang marumi. Dahil tatanggapin ng Diyos ang lahat ng tao mula sa ibat ibang bansa na sumasampalataya sa Kanya at gumagawa ng matuwid. Kaya’t si Pedro ay sumama sa mga lalaki at nagtungo sa bahay ng Romano. Nang makita ni Cornelio si Pedro, lumuhod ito sa paanan ni Pedro upang sambahin siya. Subalit pinatayo siya ni Pedro at sinabi, “Tumayo ka, dahil akoʼy tao ring katulad mo. Maaari ko bang malaman kung bakit ninyo ako ipinasundo.?” Isinalaysay ni Cornelio ang tungkol sa anghel. Pagkatapos ay sinabi ni Pedro, “Ngayon ko lubusang nauunawaan na walang itinatangi ang Diyos.” At nagpatuloy si Pedro na ipangaral kay Cornelio ang tungkol kay Hesus na inihayag ang Diyos sa mga tao. Si Cornelio at ang kanyang buong pamilya ay nanampalataya kay Hesus at tinanggap di nila ang Banal na Espiritu ng Diyos at sila’y naging Kanyang mga lingkod. Mahal ng Diyos ang lahat ng tao, anuman ang kanilang wika, tribo, o kulay ng balat. Si Hesus ay hindi dumating upang iligtas lamang ang mga Judio. Nais Niyang ipagkaloob ang buhay na walang hanggan sa lahat ng tao. Nais Niya na ang lahat ng bansa ay manampalataya at maglingkod sa Kanya. (Music)

Ika-labing Isang Larawan. Si Pedro sa Bilanguan

Ika-labing Isang Larawan. Si Pedro sa Bilanguan

Gawa 12:1-11

Ang hari ng mga Judio na si Herodes ay nagsimulang usigin ang mga taga sunod ni Hesus at ang mga mananampalatayang Kristiyano sa Iglesiya. Ipinapatay niya ang apostol na nagngangalang Santiago at ipinabilanggo niya si Pedro. Isang gabi, habang si Pedro ay natutulog sa pagitan ng dalawang kawal na nakagapos sa dalawang tanikala. Biglang nagpakita ang isang anghel at ginising si Pedro at nagsabi, “Dali, bumangon ka,” At biglang natanggal ang mga kadena sa mga kamay ni Pedro. At sumunod siya sa anghel palabas sa bilangguan. Ang pintuang bakal ng bilangguan ay kusang bumukas at walang pumigil sa kanila hanggang sa sila ay makalabas. Inisip ni Pedro na iyon ay isang panaginip lamang, hanggang sa siya ay makalabas ng bilangguan at makarating sa lansangan at biglang naglaho ang anghel. (Music)

Ika-Labing Dalawang Larawan. Si Pedro at ang kanyang mga kaibigan na nananalangin

Ika-Labing Dalawang Larawan. Si Pedro at ang kanyang mga kaibigan na nananalangin

Gawa 12:12-19

Habang si Pedro ay nasa bilangguan marami sa kanyang mga kaibigan ay nagtipon upang siya ay ipanalangin. Nang si Pedro ay nakalaya, agad siyang nagtungo sa tahanan kung saan naroon ang kanyang mga kaibigan. Nang gabing iyon maraming mananampalataya ang naroon, nananalangin para kay Pedro. Si Pedro ay kumatok sa pintuan at isang aliping babae na nagngangalang Roda ang nagtungo upang buksan ang pinto. Nang marinig niya ang tinig ni Pedro, dahil sa tuwa ay hindi niya agad binuksan ang pintuan, at nagmamadaling tumakbo upang sabihin sa iba, “Si Pedro ay nasa pintuan!” Hindi sila naniwala sa kanya at kanilang sinabi, “Wala kana sa iyong sarili!” Samantala, si Pedro ay patuloy parin na kumakatok sa pintuan. Nang buksan nila ang pinto nakita nila si Pedro na nakatayo sa labas, at sila ay namangha. Isinalaysay ni Pedro kung paano tinugon ng Diyos ang kanilang mga panalangin dahil siya ay napalaya mula sa bilangguan. Naririnig at tinutugon ng Diyos ang mga panalangin ng mga nagtitiwala sa Kanya. Sinabi ni Hesus, “Kung ang dalawa sa inyo ay magkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman sa pananalangin, itoy ipagkakaloob sa inyo ng Aking Ama na nasa langit. Sapagkat saan man may dalawa o tatlo nagkakatipon sa aking Pangalan. Naroon Akong kasama nila.” (Mateo 18:19-20)

Panimula sa susunod na kuwento

Panimula sa susunod na kuwento

Sa susunod na mga larawan ay aking ipapakilala ang isang lalaking nagngangalang Saulo. Siya ay naroon ng patayin si Esteban. Pagkamatay ni Esteban, nagpasya siyang magtungo sa lungsod ng Damasco. Ninais niya na ipakulong ang lahat ng mga mananampalataya sa lugar na iyon. Sa kanyang paglalakbay isang kamangha-manghang pangyayari ang naganap. (Music)

Ika-Labing Tatlong Larawan. Ang Liwanag at Ang Tinig Mula sa Langit

Ika-Labing Tatlong Larawan. Ang Liwanag at Ang Tinig Mula sa Langit

Gawa 9:1-9

Habang si Saulo ay naglalakbay patungo sa lungsod ng Damasco, may biglang tumambad na isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit. At si Saulo ay natumba sa lupa at siya ay nakarinig ng isang tinig na nagsasabi, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?” Si Saulo ay nagtanong, “Sino po kayo Panginoon?” Sumagot ang tinig, “Ako si Hesus, ang iyong inuusig. Tumayo ka at pumunta sa lungsod, at doon ay may magsasabi sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.” Narinig din ng mga kasama ni Saulo ang tinig subalit wala silang nakita na nagsasalita. Tumayo si Saulo, ngunit pagmulat niyaʼy hindi na siya makakita. Kaya inakay na lang siya ng kanyang mga kasama hanggang sa Damascus. Hindi siya nakakita sa loob ng tatlong araw at hindi rin siya kumain ni uminom. (Music)

Ika-Labing Apat na Larawan. Ang Bulag na si Saulo at si Ananias

Ika-Labing Apat na Larawan. Ang Bulag na si Saulo at si Ananias

Gawa 9:10-20

Ang bulag na si Saulo ay nasa tahanan sa Damasco. Isinugo ng Diyos ang isang lalaki na nagngangalang Ananias kay Saulo. Si Ananias ay isang mananampalataya at tagasunod ni Hesu Kristo. Alam niya na si Saulo ay maraming kasamaang ginawa sa mga mananampalataya sa Herusalem. Gayunpaman, sumunod padin si Ananias sa ipinag-uutos ng Diyos, siya ay nagpunta kay Saulo. Sinabi ni Ananias kay Saulo, “Kapatid na Saulo, pinapunta ako rito ng Panginoong Hesus na nagpakita sa iyo sa daan nang ikaw ay papunta rito. Isinugo niya ako upang muli kang makakita at upang mapuspos ka ng Espiritu Santo.” Ipinatong ni Ananias ang kanyang mga kamay kay Saulo at si Saulo ay muling nakakita. At tinanggap niya ang Banal na Espiritu mula sa Diyos at siya ay nagpabautismo upang ipakita sa mga tao na siya ay tagasunog na ngayon ni Hesus. Pagkatapos ay nagtungo si Saulo sa mga Judio upang ibalita sa kanila ang tungkol kay Hesus. (Music)

Ika-Labing Limang Larawan. Ang panalangin ng mga mananampalataya sa mga Misyonero

Ika-Labing Limang Larawan. Ang panalangin ng mga mananampalataya sa mga Misyonero

Gawa 11:25-26; 13:1-3

Sa bayan na tinatawag na Antioch, may pangkat ng mga mananampalataya na nagsama-sama upang sumamba sa Diyos. Sila ang unang mga mananampalataya na tinawag na Kristiyano, ang mga tagasunod ni Hesus. Si Saulo ay sumama kay Bernabe upang magturo sa mga tagaroon. Isang araw ang mga pinuno ng simbahan ay nag-ayuno at nanalangin ng sama-sama. Ang Banal na Espiritu ay nangusap sa kanila at nagsabi, “Italaga ninyo para sa Akin sina Bernabe at Saulo para sa gawain na inilaan ko para sa kanila.” Nais ng Diyos na sina Saulo at Bernabe ay magtungo sa mga tao na hindi pa nakakarinig ng mabuting balita tungkol sa Panginoong Hesus. Makikita natin sa larawan na nakaluhod sina Saulo at Bernabe. Ipinatong ng mga pinuno ng Simbahan ang kanilang mga kamay kina Saulo at Bernabe at sila’y nanalangin. Pagkatapos ay isinugo nila sina Saulo at Bernabe upang mangaral ng mabuting balita tungkol sa Panginoong Hesus sa mga bansa na malayo sa Antioch. Ang salita ng Diyos ay nagtuturo sa atin, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng tao.” (Marcos 16:15) (Music)

Ika-Labing Anim na Larawan. Si Pablo ay Nangaral ng Tungkol Kay Hesus

Ika-Labing Anim na Larawan. Si Pablo ay Nangaral ng Tungkol Kay Hesus

Gawa 13:4-52

Sina Saulo at Bernabe ay nagtungo sa iba’t ibang bayan at nayon sa malalayong lugar. Ito din ang panahon na si Saulo ay tinawag na sa kanyang bagong pangalan na Pablo. Makikita natin sa larawan na nakipagkita sila sa mga tao sa loob ng mga bahay dalanginan ng mga Judio. Binigyan Niya sila ng dakilang mga propeta, pinuno at tagapagturo. Sila ay nagpahayag tungkol sa “Isa” na darating upang iligtas sila sa kanilang mga kasalanan. Siya ay ang Panginoong Hesus. Nang si Hesus ay dumating, marami sa mga Judio ang hindi naniwala sa Kanya. Hindi nila naunawaan kung sino si Hesus, at hindi nila Siya sinamba na Siyang isinugo ng Diyos. Makinig kayong mabuti, sapagkat ang mensahe ng kaligtasan ay ipinagkaloob na sa atin. Ang mga mamamayan at mga pinuno sa Herusalem ay hindi naunawaan kung sino si Hesus. At hindi nila naiintindihan ang mga pangangaral ng mga propeta na kanilang binabasa sa kanilang mga pagtitipon. Kaya’t hinatulan nila si Hesus katulad ng sinabi ng mga propeta. Kahit wala silang makitang dahilan upang Siya ay ipapatay, hiniling parin nila kay Pilato na Siya ay patayin. Pagkatapos na si Hesus ay mamatay sa Krus, Siya ay ibinaba at inilagay sa isang libingan. Ngunit Siya ay binuhay ng Diyos mula sa mga patay. Makalipas ng ilang araw, Siya nagpakita sa Kanyang mga tagasunod. At Siya ay mananatiling buhay at kailanman ay hindi na mamamatay.” Napatuloy sa pangangaral si Pablo, “Mga kapatid makinig kayong mabuti. Narito kami ngayon upang ibahagi sa inyo ang mensahe ng Mabuting balita. Sa pamamagitan lamang ni Hesus tayo ay malilinis at mapapatawad sa inyong mga kasalanan. Ang sinumang magtitiwala kay Hesus ay tatanggapin ng Diyos, at mapapanumbalik ang magandang relasyon sa Kanya. Ngunit ang sinuman hindi mananalig sa Kanya sa paparusahan ng Diyos. Maraming mga Judio at mga tao sa iba’t ibang bansa ang naniwala sa pangangaral nila Pablo, at marami mga bagong bahay sambahan ang naitatag sa iba’t ibang lugar, ngunit marami din ang hindi naniwala sa kanila. Marami parin sa mga tao ang hindi maniniwala kapag ibinabahagi natin ang tungkol kay Hesus. Ngunit nais ng Diyos na marinig at paniwalaan ng lahat ng mga tao ang mabuting balita tungkol sa Panginoon Hesus upang sila ay maligtas. (Music)

Ika-Labing Pitong Larawan. Ang Pangitain ni Pablo sa isang lalaki mula sa Macedonia

Ika-Labing Pitong Larawan. Ang Pangitain ni Pablo sa isang lalaki mula sa Macedonia

Gawa 16:6-10

Makalipas ang ilang taon ay muling dinalaw ni Pablo ang mga Iglesya. Isinama niya ang ilan sa mga kalalakihan, kabilang na dito si Silas. Ninais nila na makapunta sa bansang Bitania, ngunit hindi sila pinahintulutan ng Banal na Espiritu na makapunta sa lugar na iyon. Kinagabihan, nagkaroon si Pablo ng isang pangitain. Sa pangitain ay nakita niya ang isang lalaki na taga Macedonia na nagsabi sa kanya, “Pumarito kayo sa Macedonia at tulungan ninyo kami.” Agad nalaman ni Pablo na tinawag sila ng Diyos upang magpunta sa Macedonia. Gagabayan ng Diyos ang sinumang magnanais na sumunod kay Hesus. Minsan, gumagabay ang Diyos sa pamamagitan ng panaginip o pangitain, ngunit madalas Niya tayong ginagabayan sa pamamagitan ng Kanyang mga Salita ang, “Bibliya” at sa pamamagitan ng pagkilos ng Banal na Espiritu sa ating mga puso. (Music)

Ika-Labing Walong Larawan. Si Pablo at Silas Nang Lumindol

Ika-Labing Walong Larawan. Si Pablo at Silas Nang Lumindol

Gawa 16:16-35

Sina Pablo at Silas ay sumunod sa nais ng Diyos at sila ay nagpunta sila Filipos sa bayan ng Macedonia. At ipinangaral nila sa mga tao ang tungkol sa Panginoong Hesus. Sa pangalan ng Panginoong Hesus pinalayas nila ang masamang espirito na umaalipin sa batang babae. Ikinagalit ito ng ibang mga tao sapagkat pinagkakakitaan nila ang bata sa panghuhula nito at nakita nila na wala na silang pagkakakitaan. Kaya hinuli nila sina Pablo at Silas at dinala sa mga opisyal ng lungsod at sila ay pinaghahagupit ng mga ito at ipinasok sa bilangguan. Nang sumapit ang hatinggabi, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng papuri sa Diyos sa loob ng kulungan at ang ibang mga bilanggo ay nakikinig sa kanila. Nang biglang lumindol nang malakas, nayanig at nabuksan ang mga pinto ng kulungan at naalis ang mga tanikala ng mga bilanggo. Inakala ng bantay na nakatakas ang mga bilanggo. Sa sobrang takot binalak niyang magpakamatay. Ngunit tinawag siya ni Pablo, “Huwag mong saktan ang iyong sarili, narito pa kaming lahat.” Humingi siya ng ilaw at patakbong pumasok at nanginginig na lumuhod sa harapan nina Pablo at Silas. At inilabas niya sila sa bilangguan at sinabi “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang ako ay maligtas?” Sumagot naman sila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Hesus, at ikaw at ang iyong sambahayan ay maliligtas.” Ang bantay at ang kanyang sambahayan ay nanalig at nagtiwala sa Panginoong Hesus at sila ay nagkaroon ng labis na kagalakan. Inalagaan ng bantay sina Pablo at Silas at kinabukasan sila ay pinalaya. At sila’y naglakad papalayo. Sa panahon ng kagipitan nararapat parin nating purihin ang Diyos. (Music)

Ika-Labing Siyam na Larawan. Si Pablo at ang Altar para sa hindi kilalang Diyos

Ika-Labing Siyam na Larawan. Si Pablo at ang Altar para sa hindi kilalang Diyos

Gawa 4:12, 17:16-34

Makikita natin sa larawan si Pablo ay nakatingin sa isang altar. Nakasulat sa altar ang salitang, “Sa diyos na hindi kilala.” Ang altar ay nakatayo sa lungsod ng Atenas. Marami ang mga diyos-diyosan sa lugar na iyon, sapagkat ang mga taga-Atenas ay sumasamba sa iba’t ibang mga diyos. Hindi nila kilala ang tunay at buhay na Diyos. Nais nilang malaman kung ano ang ipinapangaral ni Pablo, kaya sinabi ni Pablo sa kanila, “Mga taga-Atenas napansin ko na kayo ay lubos na napaka-relihiyoso sa maraming bagay. Sa aking paglalakad sa lungsod ay maingat kong tiningnan ang mga bagay na inyong sinasamba. At nakita ko ang isang dambana na may nakasulat, “Sa Diyos na hindi nakikilala.” Ang Diyos na hindi ninyo nakikilala ang siya kong ipapangaral sa inyo. Pinahayag ni Pablo ang tunay na Diyos na lumikha ng lahat ng bagay. Siya ang Diyos ng langit at ng lupa. Hindi siya nananahan sa mga templong gawa na kamay ng tao. Sinabi sa kanila ni Pablo na maaari nilang makilala ang Diyos sa pamamagitan ng Paninoong Hesus, na binuhay ng Diyos mula sa kamatayan. Nang marinig ito ng ilang mga tao, pinagtawanan nila si Pablo, ngunit ang iba naman ay nagnais pang malamang mabuti ang tungkol sa Panginoong Hesus at marami ang sumampalataya at sumunod sa Panginoon. Si Hesu Kristo lamang ang tagapagligtas. Walang ibang diyos o relihiyon ang makakapagligtas sa mga tao sa kanilang mga kasalanan.

Ika-Dalawampung Larawan. Dinala si Pablo sa Hukuman

Ika-Dalawampung Larawan. Dinala si Pablo sa Hukuman

Gawa 18:1-17

Sa larawan ay makikita natin na si Pablo ay nasa panganib. Siya ay nasa lungsod ng Corinto, maraming mga masasamang tao sa lugar na iyon. Ang mga Judio sa Corinto ay sumasalungat din sa mga tinuturo ni Pablo. Dahil ipinapangaral ni Pablo na si Hesus ang “Mesiyas”, ang pinili ng Diyos. Isang gabi kinausap ng Diyos si Pablo at sinabi sa kanya, “Huwag kang matakot. Ipagpatuloy mo ang pangangaral at huwag kang titigil, dahil kasama mo ako. Marami akong tagasunod sa lungsod na ito, kaya walang mangangahas na manakit sa iyo.” Kaya’t nanatili si Pablo sa Corinto at ipinangaral niya ang Salita ng Diyos sa mga tao at marami ang naniwala sa kanyang mga ipinangaral. Ngunit ang mga Judio na sumasalungat sa kanya ay nanibugho. Isang araw ay nagsama-sama sila upang hulihin si Pablo at siya ay dinala sa hukuman at pinaratangan na nagtuturo ng mga maling katuruan. Ngunit hindi sila pinakinggan ng Gobernador at silang lahat ay pinalabas sa hukuman. Dahil dito si Pablo ay nakaligtas at nagpatuloy sa pangangaral ng Mabuting Balita tungkol kay Hesus, kahit marami ang sumasalungat sa kanya. (Music)

Ika-Dalawampu’t Isang Larawan. Iniligtas si Pablo ng mga Sundalo mula sa kanyang mga kaaway

Ika-Dalawampu’t Isang Larawan. Iniligtas si Pablo ng mga Sundalo mula sa kanyang mga kaaway

Gawa 21:1 - 22:24

Bumalik si Pablo upang bisitahin ang mga bagong tatag na Iglesya. Pinalakas niya ang loob ng mga mananampalataya na magpatuloy sa kanilang pagsunod sa Panginoong Hesus. Ang ilan sa mga mananampalataya ang nakiusap kay Pablo na huwag nang bumalik sa Herusalem. Alam nila na marami sa kanyang mga kaaway ang naroroon at nais nilang siya ay ipapatay. Ngunit sinabi ni Pablo sa kanila, “Handa ako, hindi lamang magpagapos, kundi kahit mamatay doon sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.” Pagdating ni Pablo sa Herusalem, nagsama-sama ang mga Judio at inudyukan nila ang mga tao laban sa kanya. At sinubukan nilang siya ay patayin sa lansangan. Inilayo ng ilang mga Romanong sundalo si Pablo mula sa galit na mga tao. Pumunta si Pablo at tumayo sa labas ng bahay pahingahan ng mga sundalo. Kinausap niya ang mga tao at sinabi sa kanila kung paano niya nakilala si Hesus at naging tagasunod nito. Ngunit sumigaw ang mga tao, “Patayin siya! Hindi siya nararapat mabuhay!” Kinuha si Pablo ng mga sundalo at ipinasok sa loob ng kulungan upang mailigtas sa mga tao. Si Pablo ay hindi natatakot mamatay. Alam niyang isang malaking gantimpala ang naghihintay sa langit para sa lahat ng nagdusa alang-alang sa pangalan ng Panginoong Hesus. (Music)

Ika-Dalawampu’t Dalawang Larawan. Nangaral si Pablo sa mga Mahahalagang Tao

Ika-Dalawampu’t Dalawang Larawan. Nangaral si Pablo sa mga Mahahalagang Tao

Gawa 23:11,25-26

Si Pablo ay nanatili sa bilangguan ng dalawang taon. Sinubukan parin siyang patayin ng mga Judio, ngunit nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Lakasan mo ang iyong loob! Kung paanong nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem, kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.” Inakusahan si Pablo ng mga pinuno ng Judio sa Governador ng Roma at ipinadala naman nito si Pablo kay Agripa, ang hari ng Judio. Si Pablo ay hindi natatakot sa sinuman. Matapang na sinabi ni Pablo sa Gobernador, sa Hari at sa Reyna ang tungkol sa Panginoong Hesus. Sinabi niya sa kanila kung paano nagpakita sa kanya si Hesus sa daan patungong Damasco at kung paano siya isinugo upang ipangaral ang mabuting balita sa mga tao sa lahat ng dako. Si Haring Agripa ay nahihikayat ng maniwala kay Hesus. Alam niyang si Pablo ay walang nagawang mali. Humiling si Pablo sa Emperador ng Roma upang doon siya litisin sa hukuman ng mga Romano. Kaya ipinadala ni Agripa si Pablo sa Roma. Ang Roma ang pinakamalaking lungsod sa buong mundo nang panahong iyon at doon naninirahan ang Emperador, ang pinakamahalagang pinuno. Ang Diyos ay may mahalagang layunin para kay Pablo. (Music)

Ika-Dalawampu’t Tatlong Larawan. Si Pablo ay nasa panganib

Ika-Dalawampu’t Tatlong Larawan. Si Pablo ay nasa panganib

Gawa 27:13-44

Dinala ng mga sundalo si Pablo sa Roma kasama ang iba pang bilanggo. Sila ay naglakbay sa karagatan sakay ng isang barko. At sa loob ng labing apat na araw na kanilang paglalakbay sa dagat sila ay hinahampas ng malakas na bagyo. At inisip na ng mga tao na sakay ng barko na sila ay mamamatay. Isang Anghel ng Diyos ang nakipag-usap kay Pablo, “Huwag kang matakot, Pablo! Dapat kang humarap sa Emperador. Alang-alang sa iyo'y ililigtas ng Diyos ang lahat ng mga kasama mong naglalakbay.” At hindi nagtagal sumadsad ang barko sa mamababaw na parte ng tubig kaya ang barko ay nasira. Tumalon ang mga tao sa dagat. Ang ilan ay nakalangoy at ang iba naman ay nakahawak sa mga bahagi ng barko na nasira. Silang lahat ay ligtas na nakarating sa pampang. Sa pangyayaring ito ay nalaman natin na kung ang Diyos ay may tungkulin na ipinapagawa sa atin, tayo ay tiyak na Kanyang ililigtas mula sa lahat ng uri ng kapahamakan. (Music)

Ika-Dalawampu’t Apat na Larawan. Si Pablo nabilanggo sa Roma

Ika-Dalawampu’t Apat na Larawan. Si Pablo nabilanggo sa Roma

Gawa 28:16-31; Roma 8:38-39

Si Pablo ay nanatili sa bilangguan sa Roma sa loob ng dalawang taon. Siya ay pinahintulutan na manatili sa kanyang sariling inuupahang bahay kasama ang kawal na nagbabantay sa kanya. Malugod niyang tinatanggap ang lahat ng dumadalaw sa kanya. At ipinapangaral naman niya sa kanila ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at ng Panginoong Hesus. Gumawa din si Pablo ng mga sulat para sa mga mananampalataya ng Iglesya na kanyang pinuntahan bago siya mabilanggo. Ang mga sulat na ito ay nasa Bibliya, upang malaman ng lahat ng tao ang landas patungo sa Diyos. Si Pablo ay dumanas ng matinding hirap alang-alang kay Hesus at ng Ebanghelyo. Maraming beses siyang nakaranas na panghahagupit at pambabato mula sa mga tao, nakaranas ng gutom at walang matirahan. At sa huli ay pinarusahan ng kamatayan ng mga Romano. Ngunit sa nauna niyang sulat para sa mga mananampalataya na nasa Roma sinabi niya, “Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan o ang kailaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. Ang Diyos ay nagbibigay ng kapangyarihan sa lahat ng naniniwala at naglilingkod sa Panginoong Hesus. Ibigay natin ng buong puso ang ating buhay sa Diyos. Paglingkuran natin Siya at ipangaral natin ang Mabuting Balita upang malaman ng buong mundo na si Hesus ay nagkakaloob ng buhay na walang hanggang kasama ng Diyos. (MUSIC)

Пов'язана інформація

Free downloads - Here you can find all the main GRN message scripts in several languages, plus pictures and other related materials, available for download.

The GRN Audio Library - Evangelistic and basic Bible teaching material appropriate to the people's need and culture in a variety of styles and formats.

Choosing the audio or video format to download - What audio and video file formats are available from GRN, and which one is best to use?

Copyright and Licensing - GRN shares its audio, video and written scripts under Creative Commons