unfoldingWord 17 - Ang Kasunduan ng Diyos at ni David
Översikt: 1 Samuel 10; 15-19; 24; 31; 2 Samuel 5; 7; 11-12
Skriptnummer: 1217
Språk: Tagalog
Publik: General
Genre: Bible Stories & Teac
Ändamål: Evangelism; Teaching
Bibelcitat: Paraphrase
Status: Approved
Skript är grundläggande riktlinjer för översättning och inspelning till andra språk. De bör anpassas efter behov för att göra dem begripliga och relevanta för olika kulturer och språk. Vissa termer och begrepp som används kan behöva mer förklaring eller till och med ersättas eller utelämnas helt.
Manustext
Si Saul ang unang naging hari ng Israel. Si Saul ay matangkad at gwapo gaya ng gusto ng mga tao. Noong una, maganda ang ginagawa ni Saul bilang hari. Pero nang tumagal, naging masama ang ugali niya at hindi niya na sinusunod ang Diyos kaya pumili ang Diyos ng iba para maging hari sa darating na panahon.
Pinili ng Diyos ang binatang Israelita na si David para pumalit na hari kay Saul. Pastol siya ng tupa sa Bethlehem. Sa magkakaibang pagkakataon ng pagbabantay niya sa mga tupa ng ama niya, nakalaban at napatay niya ang isang leon at oso na sumalakay sa mga tupa. Mapagpakumbaba at matuwid na tao si David.Nagtitiwala at sumusunod siya sa Diyos.
Naging magaling na sundalo at pinuno si David. Noong bata pa siya nilabanan niya si Goliath na isang higante at bihasang sundalo, malakas siya at halos tatlong metro ang taas niya! Pero tinulungan ng Diyos na patayin ni David si Goliath at iligtas ang Israel. Pagkatapos noon, maraming ipinanalong labanan si David mula sa mga kaaway ng Israel. Pinuri siya ng mga tao dahil dito.
Nainggit si Saul sa pagmamahal ng mga tao kay David kaya maraming beses niyang sinubukang patayin si David kaya nagtago si David mula kay Saul. Isang araw habang hinahanap ni Saul si David para patayin, pinasok niya ang kuweba kung saan nagtatago si David pero hindi siya nakita ni Saul. Kayang-kaya na sanang patayin ni David si Saul dahil hindi siya malayo sa kinaroroonan niya pero hindi niya pa rin ito pinatay at sa halip humiwa na lang siya ng kapiraso ng damit ni Saul para patunayan sa kanya na hindi niya ito papatayin para maging hari.
Namatay rin si Saul sa isang digmaan at si David ang pumalit na hari ng Israel. Mabuti siyang hari at mahal na mahal siya ng mga tao. Pinagpala ng Diyos si David at tinulungan siyang magtagumpay. Lumaban siya sa maraming digmaan at tinulungan siya ng Diyos na talunin ang mga kaaway ng Israel. Nasakop ni David ang Jerusalem at ginawa niya itong kabisera ng Israel. Sa pamumuno ni David, naging makapangyarihan at mayaman ang Israel.
Gusto ni David na makapagpatayo ng templo kung saan pwedeng sumamba at mag-alay sa Diyos. Sa loob ng halos 400 na taon, sumasamba at nag-aalay ang mga tao sa Toldang ginawa pa ni Moses.
Kaya inutusan ng Diyos ang propetang si Nathan na pumunta kay David para sabihin ang mensaheng ito, “Dahil ikaw ay isang mandirigma, hindi ikaw ang magpapatayo ng Templo para sa akin. Ang anak mo ang gagawa nito pero lubos kitang pagpapalain. Magmumula sa angkan mo ang magiging hari ng aking mga tao magpakailanman!” Ang tinutukoy na kaisa-isang magmumula sa angkan ni David na mamumuno habang buhay ay ang Messiah. Ang Messiah ay ang isusugo ng Diyos upang iligtas ang mga tao sa mundo mula sa mga kasalanan nila.
Nang marinig ito ni David, nagpasalamat at nagpuri siya sa Diyos dahil sa ipinangako niya na karangalan at sa maraming pagpapala. Kaya lang hindi alam ni David kung kailan ito gagawin ng Diyos. Mangyayari ito pero matagal na panahon ang kailangang hintayin ng mga Israelita bago dumating ang Messiah, halos 1,000 na taon.
Sa maraming taon namuno ng may katapatan at may katarungan si David at pinagpala siya ng Diyos. Ngunit sa mga huling bahagi ng buhay niya, nakagawa siya ng matinding kasalanan sa Diyos.
May isang araw noong nasa malayo ang mga sundalo habang nakikipaglaban, sumilip siya sa labas ng palasyo at nakakita siya ng magandang babae na naliligo. Bathsheba ang pangalan niya.
Sa halip na umiwas si David, inutusan niya pa ang isang tauhan niya para papuntahin si Bathsheba sa kanya. Natulog silang magkasama at pagkatapos pinauwi niya si Bathsheba. Pagkalipas ng maikling panahon nagparating si Bathsheba ng mensahe kay David na buntis siya.
Si Uriah, ang asawa ni Bathsheba, ay isa sa mga pinakamagagaling na kawal ni David. Ipinatawag ni David si Uriah mula sa digmaan para umuwi sa asawa niya at makasama niya ito. Bumalik si Uriah pero tumanggi siyang umuwi sa asawa niya habang nakikipaglaban ang iba pang mga sundalo sa digmaan kaya pinabalik na lang ni David si Uriah sa labanan. Inutusan ni David ang pinuno ng mga kawal na ilagay siya sa pwesto kung saan malakas ang pwersa ng mga kalaban para mamatay siya.
Nang napatay si Uriah sa labanan napangasawa ni David si Bathsheba at hindi nagtagal ipinanganak niya ang anak ni David. Lalaki ang naging anak nila. Galit na galit ang Diyos sa ginawa ni David kaya pinapunta niya ang propetang si Nathan para sabihin kay David kung gaano kasama ang naging kasalanan niya. Nagsisi si David sa kasalanan niya at pinatawad siya ng Diyos.Nakinig at sumunod na si David sa Diyos kahit pa sa mga mahihirap na pagsubok.
Pero bilang parusa kay David, namatay ang anak nila ni Bathsheba. Nagkaroon din ng mga matinding away sa loob ng pamilya niya sa mga bahagi ng buhay niya. Humina na rin pati ang paghahari niya. Pero kahit na nagkasala si David sa Diyos, tinupad pa rin ng Diyos ang mga pangako niya kay David. Nagkaanak ulit sila ni Bathsheba ng lalaki. Pinangalanan nila ang sanggol ng Solomon.