LLL 1 Aklat Isa Ang Pasimula Kasama ang DIYOS
දළ සටහන: Adam, Noah, Job, Abraham. 24 sections. It has a picture book to go along with the recording. This Simple script is meant for unwritten languages where the translation must be oral.
ස්ක්රිප්ට් අංකය: 418
භාෂාව: Tagalog
තේමාව: Sin and Satan (Judgement, Sin, disobedience, Satan (the devil)); Christ (Sacrifice / Atonement); Eternal life (Salvation); Character of God (Grace and Mercy, Nature, character of God, Word of God (the Bible)); Living as a Christian (Worship, Obedience, Faith, trust, believe in Jesus); Bible timeline (Creation, Prophecy, fulfillment of, Gospel, Good News); Problems (Problems, troubles, worries)
ප්රේක්ෂකයින්: General
අරමුණ: Teaching
Features: Monolog; Bible Stories; Extensive Scripture
තත්ත්වය: Approved
ස්ක්රිප්ට් යනු වෙනත් භාෂාවලට පරිවර්තනය කිරීම සහ පටිගත කිරීම සඳහා මූලික මාර්ගෝපදේශ වේ. ඒවා එක් එක් විවිධ සංස්කෘතීන්ට සහ භාෂාවන්ට තේරුම් ගත හැකි සහ අදාළ වන පරිදි අවශ්ය පරිදි අනුගත විය යුතුය. භාවිතා කරන සමහර නියමයන් සහ සංකල්ප සඳහා වැඩි පැහැදිලි කිරීමක් නැතහොත් ප්රතිස්ථාපනය කිරීම හෝ සම්පූර්ණයෙන්ම ඉවත් කිරීම අවශ්ය විය හැකිය, .
ස්ක්රිප්ට් පෙළ
Panimula
Magandang araw. Halina at ating alamin ang tungkol sa ilang mga tao na unang nabuhay dito sa mundo. Marami tayong matututunan patungkol sa Diyos at kung paano nakipag ugnayan ang Diyos sa kanila. Tingnan ang mga larawan sa kulay pulang aklat habang nakikinig sa mensaheng ito. Ilipat sa susunod na larawan kapag narinig ninyo ang tunog na ito. (Tunog)
Unang larawan: Nilikha ng Diyos si Adan at ang mga hayop
Genesis 1:1 - 2:14
Mayroon lamang iisang Diyos at Siya ay Espiritu. Alam Niya ang lahat ng bagay at Siya ay nasa lahat ng dako. Nang pasimula, tanging ang Diyos lamang ang naroroon; wala ng ibang nabubuhay sa sanlibutan maliban sa Diyos. Ang mundong ito noon ay walang anyo at walang nabubuhay. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay. Unang nilikha ng Diyos ang liwanag. Pagkatapos ay nilikha Niya ang kalawakan. Inihiwalay Niya ang dagat mula sa tuyong lupa at nagsimulang tumubo at nabuhay ang iba't ibang uri ng halaman. Pagkatapos, nilikha ng Diyos ang araw at ang buwan, maging ang mga bituin. Nilikha Niya ang lahat ng nilalang na may buhay sa lupa at sa tubig. Lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti. Nilikha ng Diyos ang tao mula sa alabok at hiningahan Niya ito at binigyan ng buhay. Siya ang unang tao na nabuhay sa mundo. Binigyan Niya ito ng ng pinakamalaking karangalan. Nilikha Niya ang tao ayon sa Kanyang wangis. Nilikha ng Diyos ang tao ng may pagkakilala sa Diyos upang ang espiritu ng tao ay maging kaisa ng Espiritu ng Diyos. Ang lahat ng iniisip at ninanais ng tao ay para sa Diyos at siya ay lumalakad sa kalooban ng Diyos. At pinangalanan ng Diyos ang tao na Adan. (Tunog)
Ika-dalawang Larawan: Ang Asawa Para Kay Adan
Genesis 1:27-28, 2:15-25
Inilagay ng Diyos si Adan sa isang magandang halamanan/hardin na tinatawag na Eden at sinabi ng Diyos na pamahalaan niya itong mabuti. Naroon ang lahat ng uri ng punong kahoy, naroon ang punongkahoy na nagbibigay-buhay, at gayundin ang punongkahoy na nagbibigay-kaalaman ng tungkol sa mabuti at masama. Binigyan ng Diyos si Adan ng karapatan na pangalanan ang lahat ng uri ng mga hayop at ibon. May mga lalaki at babae sa bawat uri ng nilalang. Subalit walang naaangkop na makasama si Adan. Kaya pinatulog ng Diyos si Adan ng mahimbing. Habang si Adan ay natutulog, kinuha ng Diyos ang isa niyang tadyang. At mula rito ay nilikha ng Diyos ang isang babae at dinala ito kay Adan. Labis na nasiyahan si Adan ng makita ang babae at kanyang sinabi, “Narito ang isang taong katulad ko. Siya ay mula sa aking katawan, laman ng aking laman, buto ng aking buto.” Kapwa sila mga hubad ngunit hindi sila nahihiya. Binasbasan sila ng Diyos at sinabi, “Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa.” Ibinigay din sa kanila ng Diyos ang lahat ng uri ng halaman na namumunga ng butil at lahat ng bungangkahoy para kanilang kainin. (Tunog)
Ika-tatlong Larawan: Ang Ahas sa Halamanan
Genesis 2:16-17, 3:1-8; Isaiah 14:12
Noong si Adan at Eba ay nasa halamanan, sinabihan ng Diyos ang lalaki, “Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama, sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyon ay tiyak na mamamatay ka.” Subalit nilinlang ni Satanas ang asawa ni Adan. Sino nga ba si Satanas? Si Satanas ay dating anghel ng Diyos, ngunit kinalaban niya ang Diyos na siyang lumikha sa kanya. Ninais niyang maging mas dakila kaysa sa Diyos. Kaya, pinalayas si Satanas ng Diyos sa langit at siya ay naging kaaway ng Diyos. Sa halamanan, lumapit si Satanas sa babae sa anyo ng isang ahas. Nilinlang niya ito at sinabihan, “Hindi ka mamamatay kapag kumain ka ng bunga ng punong iyon, dahil alam ng Diyos na kapag kumain kayo ng bungang iyon, mabubuksan ang inyong mga isip, at kayo ay magiging katulad ng Diyos, na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama.” Pumitas ng bunga ang babae at kinain ito; at binigyan din niya si Adan. Pagkakain nila ng bunga, nabuksan ang kanilang mga mata, at nalaman nilang sila'y mga hubad at sila ay nahiya. Kumuha sila ng mga dahon at ginawa itong panakip sa kanilang katawan at sinubukan nilang magtago sa Diyos. (Tunog)
Ika-Apat na Larawan: Si Eba at Adan sa Labas ng Halamanan
Genesis 3:8-24
Kinausap ng Diyos si Adan at Eba tungkol sa kanilang ginawa. Sinisi ni Adan ang kanyang asawa, sinisi naman ni Eba ang ahas. Sinabi ng Diyos sa ahas, “Dahil sa ginawa mong ito ikaw ay sinumpa at gagapang ka sa lupa gamit ang iyong tiyan. Darating ang panahon ay magsisilang ang isang babae ng anak na siyang dudurog sa iyong ulo.” Pagkatapos sinabi din ng Diyos kay Adan at sa kanyang asawa ang magiging bunga ng kanilang ginawang kasalanan. Sinabi Niya sa babae, "Daragdagan ko ang sakit sa iyong panganganak." At sinabi naman ng Diyos kay Adan, "Dahil nakinig ka sa iyong asawa at kumain ng bunga, susumpain ang lupang iyong sasakahin, kailangan mong maghirap sa paggawa upang makahanap ka ng inyong kakainin." Gumawa ang Diyos ng damit para kay Adan at sa kanyang asawa mula sa balat ng hayop bilang kapalit ng mga dahon na kanilang itinakip sa kanilang hubad na katawan. Pagkatapos ay sinabi ng Diyos, “Ang tao ay hindi na pahinhintulutang kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng buhay, upang hindi na siya mabuhay magpakailanman.” Para sa kanilang sariling kapakanan ay pinalayas sila ng Diyos sa halamanan. Eba ang itinawag ni Adan sa kanyang asawa, na ang ibig sabihin ay 'nabubuhay' o (magiging ina ng sangkatauhan). Ang lahat ng tao ay nagmula kay Adan at Eba. At ang lahat ng tao ay minana ang pagiging likas na makasalanan nina Adan at Eba dahil sa kanilang pagsuway sa Diyos. Ang lahat ay nagkasala at lumapastangan sa Diyos at tayong lahat ay nahiwalay sa Kanya. Subalit ang Diyos ay may magandang plano. Ipinangako Niya kay Adan at Eba, na darating ang araw, na ang isa sa kanilang magiging inapo ay darating upang talunin si Satanas. Ang taong ito ang makakatulong upang maibalik ang magandang relasyon ng tao sa Diyos at magbibigay ng bagong buhay.
Ika-limang Larawan: Si Noe at ang Barko
Genesis 6:1 - 7:5
Dumami ang bilang ng lahi ni Adan at Eba at naging maraming bansa. Subalit laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig at ang palagi nilang iniisip ay puro masasama. Ang Diyos ay nakaramdam ng matinding kalungkutan na nilikha Niya ang tao. Mayroon lamang isang tao na naging kalugod-lugod sa Diyos, ang pangalan niya ay Noe. Isang araw, kinausap ng Diyos si Noe at sinabi. “Lilipulin ko ang tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa. Dahil sa kanila ang mundo ay napuno na ng kasamaan. Kaya gumawa ka ng malaking barko. Magpapadala ako ng baha sa lupa at wawasakin ko ang lahat ng nilalang na may buhay. Ngunit ipinapangako ko, na ikaw at ang iyong sambahayan ay maliligtas. Pumasok ka sa barko, ikaw at ang iyong asawa, ang iyong mga anak at ang kanilang mga asawa. Isama mo rin ang lalaki at babae ng bawat uri ng hayop at ibon, upang mapanatili silang buhay. At kailangan mong magdala ng iba't ibang uri ng pagkain para sainyo at sa mga hayop upang inyong makain.” Sinabi ng Diyos kay Noe kung paano gawin ang barko. At sinunod nga ni Noe ang lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos.
Ika-Anim na Larawan: Ang malaking baha
Genesis 7:6-23
Nang matapos na ni Noe ang barko. Si Noe ay pumasok na sa loob kasama ang kanyang pamilya at ang lahat ng uri ng hayop at ibon . Isinara ng Diyos ang pinto. Pagkalipas ng pitong araw ay nagsimula ng bumuhos ang napakalakas na ulan. Apatnapung araw at apatnapung gabing walang tigil sa pag-ulan. Nabuksan ang lahat ng mga bukal sa ilalim ng lupa at nagsimulang lumubog sa baha ang lahat ng nasa ibabaw ng lupa. Lahat ng tao at mga hayop na nasa labas ng barko ay namatay.
Ika-Pitong Larawan: Ang Bahaghari at ang Pangako ng Diyos
Genesis 7:24 - 9:17
Si Noe at ang kanyang pamilya, kasama ang iba't ibang uri ng hayop at ibon ay nanatili loob ng barko ng halos isang taon. Nang tumigil na ang pag-ulan at nawala na ang baha, lumabas na silang lahat ng barko. Pagkatapos ay nagtayo si Noe ng altar para sa Diyos. Nagpatay siya ng hayop at inihandog niya ito sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunog sa altar. Ang Diyos ay nalugod sa handog ni Noe. Nangako ang Diyos na hindi na Niya muling lilipulin ang lahat ng may buhay sa pamamagitan ng baha. At naglagay ang Diyos ng bahaghari sa ulap bilang palatandaan ng Kanyang pangako. Hanggang sa ngayon ay makikita natin ang palatandaan at ito ay patuloy na nagpapaala sa atin ng Kaniyang dakilang katapatan.
Ika-Walong Larawan: Ang Tore ng Babel
Genesis 11:1-9
Sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang tatlong anak na magpakarami at punuin ang buong daigdig. Subalit hindi nakinig ang kanilang mga inapo. Nagpasya silang manatili sa isang lugar at magtayo ng lungsod na may tore na abot hanggang langit upang ang kanilang mga sarili ay maging tanyag. Hindi nila ibinigay ang karangalan para sa Diyos. Nakita ng Diyos ang itinayo nilang lungsod at ang tore. Nakita din Niya ang kanilang pagsuway at pagiging mapagmataas. Kaya sinabi ng Diyos, “Ngayon ay nagkakaisa silang lahat at iisa ang kanilang wika. Pasimula pa lamang ito ng mga binabalak nilang gawin. Hindi magtatagal at gagawin nila ang anumang kanilang magustuhan. Halikayo! Tayo'y bumaba at ating guluhin ang kanilang wika, upang hindi sila magkaintindihan.” At ginawa nga ito ng Diyos. Makikita natin sa larawan na hindi na nila maunawaan ang isat-isa. Kaya itinigil nila ang pagtatayo ng lungsod, at sila ang naghiwa-hiwalay at nanirahan sa iba’t ibang lugar.
Ika-Siyam na Larawan: Si Job ay sumasamba sa Diyos
Job 1:1-12
May isang lalaki na nagngangalang Job. Siya ay sumasamba sa nag-iisa at tunay na Diyos. Mayroon siyang malinis na puso, walang kapintasan at umiiwas sa masasamang gawain. Si Job ay may pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae at siya ay nag aalay ng handog sa Diyos para sa kanyang mga anak. Humihingi siya ng kapatawaran para sa kasalanan ng kanyang mga anak kung sila ay may nagawang kasalanan sa Diyos. Nalulugod ang Diyos kay Job. At pinagpala siya ng Diyos at pinayaman. Si Job ay may malalaking kawan ng mga hayop at maraming tagapaglingkod. Isang araw sinabi ng Diyos kay Satanas na nalulugod Siya kay Job. Ngunit pinaratangan ni Satanas si Job sa harapan ng Diyos. Sinabi ni Satanas na kaya lamang sinasamba ni Job ang Diyos ay upang siya ay yumaman. Sinabi ni Satanas sa Diyos, "Kung aalisin mo ang lahat ng mayroon kay Job ay susumpain Ka niya." Kaya pinahintulutan ng Diyos si Satanas na kunin ang lahat kay Job upang siya ay subukin.
Ika-Sampung Larawan: Ang pagtangis ni Job
Job 1:13-22
Sa larawang ito ay ipinapakita ang araw kung saan naranasan ni Job ang matinding pagtangis. Ang kanyang mga lingkod ay naghatid sa kanya ng malagim na balita. Dumating ang unang lingkod at ibinalita kay Job na dumating ang kanilang mga kaaway at pinatay ang ilan sa kanyang mga lingkod at ninakaw ang lahat ng kanyang mga alagang baka at asno. Hindi pa ito nakakatapos sa pagbabalita nang may dumating na namang isa pang lingkod. Ibinalita nito na tinamaan ng kidlat ang lahat ng kanyang mga alagang tupa at ang mga pastol at silang lahat ay namatay. Dumating ang ikatlong lingkod upang sabihin kay Job na sinalakay sila ng mga tulisan at ninakaw ang lahat ng kanyang mga kamelyo. Dumating ang isa pang lingkod at nagdala ng pinakamasamang balita sa lahat: “Ang iyong mga anak ay sama-samang nagkakasiyahan nang biglang hinampas ng napakalakas na hangin ang bahay at bumagsak, nabagsakan po sila at silang lahat ay namatay.” Nang marinig ito ni Job ay inahit niya ang kanyang buhok, nagpatirapa sa lupa at tumangis. Sinabi niya, "Ang Diyos ang nagbigay, ang Diyos din ang kukuha ng lahat, purihin ang pangalan ng dakilang Panginoon.” Bagama’t nangyari ang mga masasamang bagay na ito kay Job ay hindi parin niya sinisi ang Diyos. Sa halip ay patuloy parin niyang sinamba ang Diyos.
Ika-Labing isang Larawan: Ang paghihirap ni Job
Job 2:1 - 41:34
Nakita ni Satanas na sinasamba padin ni Job ang Diyos sa kabila ng kanyang mga nararanasang pagsubok. Kaya sinabi ni Satanas sa Diyos, "Kapag sinaktan mo ang katawan ni Job ay isusumpa ka niya.” Kaya pinahintulutan ng Diyos si Satanas upang muling subukin si Job. Binigyan ni Satanas si Job ng nakakapandiring sakit sa balat. Lumabas si Job at kinamot ng isang pirasong basag na palayok ang kanyang mga sugat. Sinabi kay Job ng kanyang asawa, “Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka na.” Ngunit sumagot si Job, “Mabubuting bagay lang ba ang tatanggapin natin mula sa Diyos at hindi ang masasama?” Apat sa mga kaibigan ni Job ang dumating at nakipag-usap sa kanya sa loob ng maraming araw. Sinikap nilang alamin kung ano ang dahilan ng pagdurusa ni Job. Sinabi nila kay Job na baka may nagawa siyang kasalanan kaya pinaparusahan siya ng Diyos. Ngunit hindi sumang-ayon sa kanilang sinabi si Job. Nagkaroon ng katanungan si Job sa Diyos kung bakit niya ito nararanasan. Subalit sa kabila nito ay hindi padin siya tumalikod sa Diyos at hindi nawala ang kanyang pananampalataya. Kaya ang Diyos na mismo ang nagpakita sa kanila. Inilahad sa kanila ng Diyos kung bakit hindi nila nauuunawaan ang mga nangyayari kay Job. Ang kapangyarihan ng Diyos ay hindi limitado. Alam Niya ang lahat ng bagay. Alam Niya kung ano ang makakabuti sa atin, at Siya lamang ang nakakaalam kung bakit minsan ay pinapahintulutan Niya na maranasan natin ang mga paghihirap sa buhay.
Ika-Labing Dalawang Larawan: Nanumbalik sa dati ang buhay ni Job
Job 42:1-17
Sa larawang ito ay makikita natin na si Job ay magaling na sa kanyang sakit at siya ay muling yumaman. Sasabihin ko sainyo kung ano ang nangyari. Noong makaharap na ni Job ang Diyos, naunawan niya kung gaano kadakila ang Diyos sa lahat ng bagay at humingi siya rito ng kapatawaran dahil sa kanyang pagtatanong sa naging kaparaanan nito na ginawa sa kanyang buhay. Pagkatapos ay nakipag-usap naman ang Diyos kay Elifas, isa sa mga kaibigan ni Job na nag-akusa sa Diyos, “Matindi ang galit ko sa iyo at sa dalawa mong kaibigan sapagkat hindi ninyo sinabi ang katotohanan tungkol sa Akin tulad nang ginawa ni Job.” Sinabi pa ng Diyos sa kanila, “Magtungo kayo kay Job at magdala ng handog na susunugin at ialay ninyo ito sa akin para sa inyong kasalanan, at ang aking lingkod na si Job ay mananalangin para sa inyo at patatawarin ko kayo." Nanalangin si Job para sa kanyang mga kaibigan at tinugon naman ng Diyos ang kanyang panalangin. Pagkatapos nito ay muling naging mabuti ang kalagayan ni Job at ibinalik ng Diyos ang kanyang kayamanan. Dumating ang mga kaibigan at mahal sa buhay ni Job upang makipag saya sa kanya at sila ay nagbigay ng mga regalo kay Job. Pinagkalooban muli ng Diyos si Job ng pitong anak na lalaki at tatlong magagandang anak na babae. Nabuhay si Job ng maraming taon at nakita pa niya ang kanyang mga apo hanggang sa ikaapat na salinlahi. Matandang-matanda na si Job nang siya ay namatay.
Ika-labing tatlong Larawan: Nilisan ni Abram ang kanyang bayan
Genesis 12:1 - 13:4
Ang kuwentong ito ay tungkol sa isang tao na nagngangalang Abram. Siya ay may malaking pananampalataya sa Diyos at sa pamamagitan niya ay maraming tao ang pinagpala. Sa larawan ay makikita natin si Abram at ang kanyang asawa na si Sarai, ang kanyang pamangkin na si Lot, at ang kanyang mga lingkod. Sila ay nanggaling sa mahabang paglalakbay sapagkat sinabi ng Diyos kay Abram, "Lisanin mo ang iyong bayan at ang tahanan ng iyong ama at magtungo ka sa lupain na ipapakita ko sa iyo. Gagawin kitang isang dakilang bansa at pagpapalain kita; at pagpapalain din ang lahat ng tao sa mundo ng dahil sayo.” Nanalig si Abram sa mga pangako ng Diyos at ginawa nga niya ang inutos sa kanya ng Diyos. Si Abram at ang kanyang mga kasama ay naglakbay ng maraming araw dala ang kanilang mga ari-arian at nakarating sila sa lupain ng Canaan. Doon ay nagpakita ang Diyos kay Abram at sinabi, “Ibibigay ko sayo at saiyong mga salinlahi ang lupaing ito.”
Ika-labing Apat na larawan: Si Abram at si Lot
Genesis 13:5-18
Si Abram at ang kanyang pamangkin na si Lot ay magkasamang nanirahan sa lupain ng Canaan. Napakarami na nilang mga alagang hayop at halos wala ng sapat na pastulan para dito. Ito ang dahilan kung bakit ang mga pastol ng alagang hayop ni Abram at pastol ni Lot ay nag-aaway-away na. Kaya sinabi ni Abram, “Hindi tayo dapat mag-away, at ang mga tagapag-alaga natin, sapagkat magkamag-anak tayo. Ang mabuti pa ay maghiwalay na lang tayo dahil marami pa namang lugar na maaaring lipatan. Pumili ka ng bahagi ng lupain na gusto mo.” Kaya pinili ni Lot ang pinaka masaganang bahagi ng lupain ng lambak ng ilog Jordan. At duon siya nanirahan malapit sa isang lungsod na tinatawag na Sodoma. Ang mga tao sa Sodoma ay namumuhay sa kasamaan at hindi nagbibigay kaluguran sa Diyos. Samantala si Abram naman ay nanatili sa lupain ng Canaan at muli siyang kinausap ng Diyos. Sinabi ng Diyos kay Abram, “Ang lahat ng lupain na maaabot ng iyong paningin ay ibibigay ko sa iyo at saiyong mga lahi, at magiging inyo ito magpakailanman.”
Ika-labing Limang Larawan: Nakipagkita kay Abram ang Hari ng kapayapaan
Genesis 14:1-24
Habang si Lot ay naninirahan malapit sa lupain ng Sodoma, ay sumiklab ang digmaan sa lugar na iyon. Si Lot at ang kanyang pamilya ay ginawang bihag kasama ng lahat ng tao sa Sodoma. Kaya, si Abram at ang kanyang mga tauhan ay pumunta sa lugar upang iligtas si Lot. Natalo nila Abram ang mga kaaway at napalaya nila ang lahat ng bihag, sinamsam din nila ang lahat ng ari-arian ng kaaway. Habang sila ay nasa daan pauwi galing sa labanan, nakasalubong nila ang isang hari. Katulad ng nakikita natin sa larawan. Ang pangalan ng hari ay si Melchizedek. Siya ang hari sa bayan ng Salem, na ang ibig sabihin ay 'Kapayapaan' at punong pari na sumasamba sa kataas taasang Diyos. Nagdala si Melchizedek ng tinapay at alak para kay Abram at kanyang sinabi, "Pagpalain ka nawa ng kataas-taasang Diyos na nagbigay saiyo ng tagumpay laban saiyong mga kaaway!” Lumuhod si Abram sa harapan ni Melchizedek at ibinigay niya sa hari ang ikasampung bahagi ng kanilang mga nasamsam. Ninais din ng hari ng Sodoma na magbigay ng handog kay Abram bilang pasasalamat sa pagkakaligtas sa mamamayan ng Sodoma. Subalit hindi tinanggap ni Abram ang mga kaloob na galing sa masamang hari ng Sodoma.
Ika-labing anim na Larawan: Si Abram at ang mga bituin
Genesis 15:1-21, 17:1-19
Pagkatapos na mailigtas ni Abram si Lot at ang mga mamamayan ng Sodoma, si Lot ay muling bumalik sa lungsod na iyon. Muling nakipag-usap ang Diyos kay Abram, “Huwag kang matakot. Ako ang iyong kalasag na mag-iingat sa iyo. Bibigyan kita ng napakalaking gantimpala.” Subalit malungkot si Abram dahil hindi siya binigyan ng Diyos ng anak upang maging kanyang tagapagmana. Isinama ng Diyos si Abram sa labas ng bahay at nagsabi, “Tumingin ka sa langit at masdan mo ang mga bituin! Mabibilang mo ba iyan? Ganyan karami ang iyong magiging lahi.” Si Abram ay nagtiwala sa ipinangako ng Diyos, kahit wala pa siyang anak. Tinanggap ng Diyos ang pananalig ni Abram, at dahil sa kanyang pananalig siya ay naging matuwid sa harapan ng Diyos.
Ika-labing pitong Larawan: Ang batang si Ismael
Genesis 16 and 17
Tingnan ninyo ang larawan! Si Abram ay mayroon ng anak na lalake. Paano iyon nangyari? Aking isasalay ang mga pangyayari: Si Abram ay nanirahan sa lupain ng Canaan sa loob ng sampung taon habang hinihintay ang katuparan ng pangako ng Diyos. Si Abram at si Sarai ay wala paring anak. Si Abram at si Sarai ay hindi na nakapaghintay, at sa kaugalian noon ay maaring magkaroon ng anak si Abram sa pamamagitan ng lingkod na babae ni Sarai na nagngangalang Hagar. Nang si Hagar ay magdalang tao, si Sarai ay nagsimulang mainggit kay Hagar at hindi niya ito pinakitunguhan ng maganda, kaya umalis si Hagar. Nagpakita ang anghel ng Diyos kay Hagar. Sinabi ng anghel, “Magkakaroon ka ng isang anak na lalaki at tatawagin mo siyang Ismael, sapagkat narinig ng Panginoon ang iyong paghihirap." Ang ibig sabihin ng Ismael ay 'Nakikinig ang Diyos'. “Siya'y magiging isang taong gaya ng mailap na asno, ang (kanyang kamay ay laban sa lahat, at ang kamay ng lahat ay laban sa kanya; at habang siya ay nabubuhay kalaban niya ang lahat ng kaniyang mga kapatid.” Isinilang si Ismael at kalaunan ay naging ama ng mga bansang Arabo. Subalit hindi ito ang plano ng Diyos na ipinangako Niya kay Abram. Pagkalipas ng labing-tatlong taon matapos maipanganak ni Ismael, nagpakitang muli ang Diyos kay Abram at nagsabi, “Ako ang Diyos na makapangyarihan sa lahat; sumunod ka sa akin at mamuhay ng walang kapintasan. Tutuparin ko ang ating sumpaan na paparamihin Ko ang iyong lahi. Ikaw ay magiging ama ng maraming bansa. Simula ngayon ay Abraham na ang itatawag sayo, sapagkat ikaw ay magiging ama ng maraming bansa.” Sinabi pa ng Diyos kay Abraham, “Ang buong lupain ng Canaan ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong mga inapo pagkatapos mo; at ako ang kanilang magiging Diyos.” Pagkatapos ay sinabi ng Diyos kay Abraham, “Tungkol naman sa iyong asawa, hindi mo na siya tatawaging Sarai; Sara ang kanyang magiging pangalan. Sa pamamagitan niya ay bibigyan kita ng isang anak. Pagpapalain ko siya at siya ay magiging ina ng mga bansa. Ang mga hari ng mga bansa ay magmumula sa kanya!"
Ika-labing Walong Larawan: Ang Tatlong Lalaking Panauhin ni Abraham
Genesis 18:1-15
Isang araw may tatlong lalake na dumalaw sa tolda ni Abraham. Ang isa sa kanila ay ang Diyos. Nagpatirapa si Abraham sa harapan nila at tinawag niya si Sara upang maghanda ng pagkain, at sila ay pinagsilbihan ni Abraham. Pagkatapos, tinanong ng mga kalalakihan si Abraham, "Nasaan ang iyong asawa na si Sara?" Sumagot si Abraham "Nasa loob po ng tolda." Sinabi ng Diyos kay Abraham, "Babalik Ako sayo sa ganito ding araw sa susunod na taon at si Sara na iyong asawa ay magkakaanak ng isang lalaki.” Narinig ito ni Sara at siya ay natawa sa kanyang sarili sapagkat siya ay matanda na at malabo (hindi na maari) ng magkaanak. Ngunit sinabi ng Diyos kay Abraham, "Bakit tumatawa si Sara at nagsabi ‘Talaga bang magkakaroon ako ng anak, ngayong matanda na ako?’” At sinabi ng Diyos, "Mayroon bang mahirap para sa Diyos? Babalik ako sa susunod na taon sa Aking itinakdang araw si Sara ay magsisilang ng anak na lalake.”
Ika-Labing Siyam na Larawan: Nanalangin si Abraham para sa Sodoma
Genesis 18:16 - 19:29
Nang ang mga panauhing lalaki ni Abraham ay tumayo upang umalis, sinamahan sila ni Abraham at inihatid hanggang sa lugar kung saan nakikita nila sa ibaba ang lungsod ng Sodoma. Sinabi ng Diyos kay Abraham na pupuntahan Niya ang Sodoma. Plano ng Diyos na wasakin ang Sodoma at Gomora dahil sa kasamaang ginagawa ng mga tao na naninirahan dito. Naalala ni Abraham ang pamilya ni Lot at sinabi niya sa Diyos, "Hahayaan po ba Ninyo na mawala ang mga matutuwid kasama ng mga masasama? Diba ang Hukom dapat hahatol ng tama?” Si Abraham ay patuloy na nagmakaawa sa Diyos. Hindi naglaon ay sinabi ng Diyos na hindi Niya wawasakin ang Sodoma kung may kahit sampung matuwid na tao sa lugar na iyon. Matapos makipag-usap ng Diyos kay Abraham, Siya ay umalis at si Abraham naman ay bumalik na sa kanyang tolda. Ngunit walang kahit na sampung tao ang naglilingkod sa Diyos sa lugar ng Sodoma. Nang dumating ang dalawang sugo ng Diyos sa lugar ng Sodoma nakita nila ang kasamaan ng mga tao. Ngunit naawa ang Diyos kay Lot. Kaya inutusan ng mga anghel si Lot at ang kanyang pamilya na tumakas at umalis ng Sodoma. At sinabi din sa kanila na huwag silang lilingon. Pagkatapos ay nagpaulan ang Diyos ng apoy mula sa langit at ang Sodoma at Gomora kasama ang lahat ng masasamang tao na naninirahan doon ay nawasak. Si Lot at ang kanyang pamilya ay nakatakas, subalit habang tinutupok ng apoy ang lugar, ang asawa ni Lot ay lumingon at agad itong naging haliging asin.
Ika-dalawampung Larawan: Ang Handog ni Abraham
Genesis 21:1-8, 22:1-19
Gaya ng ipinangako ng Diyos kay Abraham, pagdating ni Sara sa edad na siyam-napung taon, ipinanganak niya ang isang batang lalaki. Isang-daan taon naman si Abraham ng panahong iyon. Pinangalanan nila ang batang lalaki na Isaac na ang ibig sabihin ay "Siya ay tumawa'. Noong bata pa si Isaac, sinubok ng Diyos ang pananampalataya ni Abraham. Sinabi ng Diyos kay Abraham. “Kunin mo ang iyong kaisa-isa at pinakamamahal na anak na si Isaac at ihandog mo siya sa Akin.” Lubos ang pananampalataya ni Abraham sa Diyos kaya inihanda niya ang lahat ng mga gagamitin para sa paghahandog kay Isaac. Dala ni Isaac ang mga kahoy na gagamitin at si Abraham naman ang nagdala ng pang-apoy at ng patalim. Habang sila ay naglalakbay, nagtanong si Isaac, “Ama, may dala po tayong pang-apoy at panggatong subalit nasaan po ang tupa na ihahandog para sunugin?” Sumagot si Abraham, “Anak, ang Diyos mismo ang magbibigay sa atin ng tupa na ihahandog.” Pagdating nila sa lugar, gumawa si Abraham ng altar na bato, at inilagay niya ang mga kahoy sa ibabaw nito. Pagkatapos, iginapos niya si Isaac at inihiga sa ibabaw ng altar. Nang itinaas ni Abraham ang kanyang kamay na hawak ang patalim upang patayin ang kanyang anak. Nagsalita ang anghel ng Diyos, “Abraham, huwag mong sasaktan ang bata, o gawan ng kahit ano, sapagkat ngayon ay nababatid ko na ikaw ay may takot sa Diyos, dahil hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak.” Nang lumingon si Abraham, ay nakita niya ang isang tupang lalaki na ang mga sungay ay nakasabit sa mga tinik. Lumapit si Abraham at kinuha ang tupa, at ito ang ginawang handog upang sunugin kapalit ng kanyang anak. Sinabi ng Diyos kay Abraham, “Dahil hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak, nangangako ako sa pamamagitan ng aking pangalan, pagpapalain kita. Paparamihin ko ang iyong lahi na gaya ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa baybayin ng dagat. Sasakupin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway. At sa pamamagitan ng iyong mga lahi, pagpapalain ko ang lahat ng bansa sa mundo, dahil sumunod ka sa akin.”
Ika-dalawampu't isang Larawan: Si Abraham at ang Kanya Tagapaglingkod
Genesis 24:1 - 25:11
Nang si Abraham ay matanda na, tinawag niya ang kanyang tagapaglingkod at kanyang sinabi, "Ipangako mo sa akin na pupunta ka sa pinagmulan kong bayan at sa aking mga kamag-anak at doon ka kumuha ng mapapangasawa ng akin anak na si Isaac." Ayaw ni Abraham na iwanan ni Isaac ang lupaing ipinangako ng Diyos sa kanya, o kumuha ng mapapangasawa mula sa mga kababaihan sa Canaan. Sumunod ang lingkod ni Abraham at ito ay naglakbay patungo sa bayan ng Nahur. Doon ay humingi siya gabay mula Diyos na ibigay sa kanya ang karapatdapat na babae para kay Isaac. Isang magandang babae na nagngangalang Rebeka ang nagtungo sa balon upang sumalok ng tubig. At pinagsalok din nito ng tubig ang lingkod ni Abraham at ang kanyang sampung kamelyo. Nabatid ng lingkod ni Abraham na ginabayan siya ng Diyos kaya siya dinala sa babaeng ito at alam niya na ito ang hinahanap niyang babae. At natuklasan niya na ito ay apo ng kapatid ni Abraham. Lumuhod sa lupa ang lingkod ni Abraham at nagpuri sa Diyos sapagkat ginabayan siya Nito at tinugon ang kanyang panalangin dahil dinala siya sa mga kamag-anak ng kanyang panginoong si Abraham. Kaya si Rebeka ang naging asawa ni Isaac. Si Abraham ay namatay sa edad na (175) isang-daan at pitumput-limang taong gulang. Buong buhay na nagtiwala si Abraham sa Diyos na tutuparin nito ang Kanyang mga pangako, kaya tinanggap siya at pinagpala ng Diyos.
Ika-dalawampu't dalawang Larawan: Ang Kapanganakan ni Hesus
Matthew 1:18-25; Galatians 4:4,5
Ang salita ng Diyos ay totoo. At ang Diyos ay hindi nagsisinungaling. Sinabi ng Diyos kay Adan na ipapadala Niya ang Kanyang pinili na tatalo kay Satanas. Binalaan ng Diyos si Noe na lilipunin Niya ang lahat ng masama. Ipinakita ng Diyos kay Job na nais Niya kung ano ang pinakamabuti para sa atin. Ipinakita din ng Diyos kay Abraham na tumutupad Siya sa Kanyang mga pangako. At dumating ang itinakdang panahon na isinugo ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak, na sa simula palang likhain ang mundo ay narito na. Ipinanganak Siya bilang isang sanggol na lalaki at pinangalanang Hesus. Ang pangalan ng Kanyang ina ay Maria na nagmula sa angkan ni Abraham at Isaac. Si Maria ay isang birhen ng ipanganak niya si Hesus, nangyari ito sa pamamagitan ng banal na Espiritu ng Diyos. Si Hesus ang nagdala pagpapala sa lahat ng tao dito sa sanlibutan. Si Hesus ay nagpakumbaba, nagkatawang tao upang mapanumbalik ang ating karangalan bilang anak ng Diyos. Si Hesus ay bumaba mula sa langit upang tuparin ang Kanyang pangako na talunin si Satanas at papalayain tayo mula sa pagkakaalipin kay Satanas. Dumating si Hesus upang mapanumbalik ang ating magandang relasyon sa Diyos. Paano Niya ito ginawa?
Ika-dalawapu't tatlong Larawan: Ang Kamatayan ni Hesus
Galatians 3:13-14
Nang si Hesus ay nasa takdang edad na, itinuro Niya sa mga tao ang tamang landas patungo sa Diyos. Gumawa Siya ng maraming himala upang ipakita na Siya ay nagmula sa Diyos. Ngunit noong panahong iyon ay marami sa pinuno ng simbahan ang hindi naniwala sa Kanya. Pinatay nila si Hesus sa pamamagitan ng pagpako sa krus. Sinabi ng Diyos kay Adan na kung kakainin niya ang ipinagbabawal na bungangkahoy, siya ay mamamatay. Sabi sa salita ng Diyos, "Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan." Tayong lahat ay makasalanan. Tayong lahat ay tumalikod at sumuway sa Diyos at nararapat lamang na tayo ay maparusahan ng walang hanggang kamatayan. Naalala pa ba ninyo na ang Diyos ay nagbigay kay Abraham ng lalaking tupa upang mamatay sa halip na si Isaac? Sa ganun ding paraan, ibinigay ng Diyos si Hesus upang mamatay sa halip na tayo. Sinasabi sa salita ng Diyos. “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sinuman na sa Kanya'y sumampalataya ay hindi mapapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Tayo lahat ay iniimbitahan ng Diyos na maging Kanyang anak. Tunay na ang ating kasalanan ang naging dahilan kung bakit tayo nahiwalay sa Diyos ngunit si Hesus ang daan upang mapanumbalik tayong muli sa Diyos.
Ika-dalawampu't apat na Larawan: Si Hesus ay Nabuhay na Muli
John 20:19-29
Ang katawan ni Hesus ay inilagay ng Kanyang mga alagad sa isang libingan. Ngunit si Hesus ay hindi kayang pigilan kahit na ng kamatayan. Sa ikatlong araw pagkatapos ng Kanyang kamatayan, Si Hesus ay binuhay na muli ng Diyos at nagpakita sa kanyang mga alagad. Namangha silang lahat sa nangyari. Isa sa mga alagad ni Hesus na nagngangalang Tomas ang wala sa lugar kung saan nagpakita si Hesus, kaya kanyang sinabi, “Hindi ako maniniwala hanggat hindi ko nakikita at nahahawakan ang pilat ng mg pako sa kanyang katawan.” Makalipas ang isang linggo, si Hesus ay nagpakitang muli sa Kanyang mga alagad at si Tomas ay naroon na. Ipinakita ni Hesus kay Tomas ang mga marka ng mga pako at sinabi Niya kay Tomas, “Huwag ka nang mag-alinlangan pa, sa halip ay maniwala ka.” Sumagot si Tomas, ““Panginoon ko at Diyos ko!” Sinabi ni Hesus, "Naniwala ka lamang sapagkat nakita mo Ako. Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakikita.” Si Hesus ang katuparan ng pangako ng Diyos kay Adan na wawasakin Niya ang mga gawa ni Satanas. Si Hesus ang katuparan ng mga pangako Niya kay Abraham na pagpapalain Niya ang lahat ng bansa. Si Hesus ang handog ng Diyos na ipinagkaloob sa atin upang hindi tayo mamatay dahil sa ating mga kasalanan. Ipinakita sa kasaysayan ni Noe na hinahatulan ng Diyos ang mga makasalanan ngunit iniligtas ang mga naniniwala at nagtitiwala sa Kanya. Ang kasaysayan ni Job ang nagpapaalala na ang Diyos ang may hawak ng lahat ng bagay at mga nangyayari sa ating mga buhay at Siya rin ang gumagabay sa atin. Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesus at sa pagsunod sa Salita ng Diyos tayo ay magiging banal sa harapan ng Diyos at magiging kabahagi ng Kanyang buhay magpakailanman.