LLL 7 Si HESUS, Panginoon at Tagapagligtas
रुपरेषा: From Luke and John. 24 sections. It has a picture book to go along with the recording. This Simple script is meant for unwritten languages where the translation must be oral.
स्क्रिप्ट क्रमांक: 424
इंग्रजी: Tagalog
थीम: Sin and Satan (Judgement, Sin, disobedience); Christ (Resurrection of Jesus, Son of God, Saviour of Sinful Men, Birth of Christ, Death of Christ, Life of Christ, Authority); Eternal life (Salvation, Eternal / everlasting life); Character of God (Grace and Mercy, Nature, character of God, Word of God (the Bible), Power of God / Jesus); Living as a Christian (Worship, Second Birth, Peace with God, Forgiveness, Faith, trust, believe in Jesus, Spiritual Life, Christian values); Life event (Death); Bible timeline (Gospel, Good News); Problems (Sickness, Problems, troubles, worries)
प्रेक्षक: General
उद्देश: Teaching
Features: Monolog; Bible Stories; Paraphrase Scripture
स्थिती: Approved
स्क्रिप्ट हे इतर भाषांमध्ये भाषांतर आणि रेकॉर्डिंगसाठी मूलभूत मार्गदर्शक तत्त्वे आहेत. प्रत्येक भिन्न संस्कृती आणि भाषेसाठी त्यांना समजण्यायोग्य आणि संबंधित बनविण्यासाठी ते आवश्यकतेनुसार स्वीकारले जावे. वापरलेल्या काही संज्ञा आणि संकल्पनांना अधिक स्पष्टीकरणाची आवश्यकता असू शकते किंवा अगदी बदलली किंवा पूर्णपणे वगळली जाऊ शकते.
स्क्रिप्ट मजकूर
Panimula
Ang tinatawag nga bang Hesus ay Siyang sinugo ng Diyos at may kakayanan na magbigay ng buhay na walang hanggan sa mga tao? Ang kapanganakan ni Hesus, ang kanyang mga ginawang himala, ang kanyang buhay, ang kanyang muling pagkabuhay mula sa kamatayan at ang kanyang mga salita ay nagpapatunay na Siya nga ang sinugo ng Diyos. Tingnan ang larawan na kulay rosas na aklat at ilipat sa susunod na pahina kapag na rinig ninyo ang tunog na ito.
Unang larawan. Ang kapanganakan ni Hesus
Juan1:1-14; Lucas 2:1-11
Tingnan ang larawan. Makikita natin ang isang bagong silang na sanggol, ang ina at ang ama ng sanggol, naroon din ang tatlong lalaking mga pastol ng mga tupa. Nakatingin silang lahat sa sanggol. Ang Kanyang pangalan ay Hesus. Ang isang lalaki ay nakaluhod sa harapan ni Hesus. Bakit niya ito ginawa? Dahil si Hesus ang pinaka mahalagang sanggol na lalaki na isinilang sa mundo. Bago pa isilang si Hesus, kasama na Niya ang Diyos sa isang lugar na kung tawagin ay langit. Lahat ng mga bagay ay nilikha ng Diyos. Ang Diyos ay Espirito, subalit ipinakita niya ang Kanyang sarili sa pamamagitan ni Hesus, na ipinanganak ng isang birheng babae. Ginawa itong posible ng Espirito ng Diyos. Na Siyang Espiritung nananahan din sa Panginoong Hesu Kristo. Nangangahulugan ito na si Hesus ay Diyos. Si Hesus ay nagmula sa langit upang palayain tayo sa lahat ng ating mga kasalanan at upang ipakita sa atin kung paano tayo magiging anak ng Diyos. (Music)
Ika-Dalawang Larawan. Ginawang Alak ni Hesus ang Tubig
Juan 2:1-11
Noong nasa hustong gulang na si Hesus, nagtungo Siya minsan sa isang kasalan, kasama ang Kanyang mga tagasunod at ang kanyang inang si Maria. Alam ni Maria na si Hesus ay nagmula sa Diyos. Kaya ng maubusan ng alak, sinabi niya kay Hesus ang tungkol dito. Kaya’t sinabihan ni Maria ang mga lingkod, "Gawin ninyo ang anomang sabihin Niya sa inyo." Mayroong anim na malaking lalagyan ng tubig (banga) malapit sa kanila. Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga tagasunod, "Punuin ninyo ng tubig ang mga lalagyan (banga), at kanila nga itong sinunod. Pagkatapos, sinabi ni Hesus. "Kumuha kayo ng kaunti at dalhin ninyo sa taga pamahala ng kasalan." Ang tubig ay naging pinakamasarap na alak! Dahil dito sa unang pagkakataon ay nakita ng mga tagasunod na si Hesus ay may kapangyarihang nagmumula sa Diyos at sila ay naniwala sa Kanya. (Music)
Ika-Tatlong Larawan. Nakipag-usap si Hesus kay Nicodemo
Juan 3:1-36
Isang gabi, lumapit kay Hesus ang isang lalaki na nagngangalang Nicodemo upang magtanong sa mga himalang ginagawa ni Hesus at ng tungkol sa Diyos. Si Nicodemo ay isang mahalagang pinuno at guro sa Israel. Nabalitaan niya na si Hesus ay gumagawa ng mga himala. Alam niya na si Hesus ay nagmula sa Diyos. Sinabi ni Hesus sa kanya, "Katotohanan ang sinasabi ko sa'yo, walang makakakita sa kaharian ng Diyos maliban na siya ay ipanganak na muli.” Nagtanong si Nicodemo, "Papaano maipapanganak na muli ang isang tao kung siya ay matanda na?" Sumagot si Hesus, "Kung ang isang sanggol ay ipinanganak ng kanyang ina, iyon ay pisikal na kapanganakan, sa parehong paraan ang tao ay dapat ipanganak naman mula sa Espiritu ng Diyos upang magkaroon ng espirituwal na buhay.” Ang ibig sabihin ni Hesus ay hindi sapat na maipanganak sa karaniwang paraan. Ang isang tao ay kailangan muling ipanganak sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng Diyos. Ipinapakita ng Banal na Espiritu sa mga tao ang kanilang mga kasalanan at tinutulungan silang tumalikod sa kanilang dating pamumuhay at sa mga kasinungalingan ni Satanas. Malalaman ng lahat na si Hesus ay nagliligtas sa mga naniniwala sa kanya. Sila ay magsisimulang mamuhay na nagbibigay kaluguran sa Diyos. Magiging bago na silang nilalang at mapapabilang sa isang bagong pamilya, sa pamilya ng Diyos. Ang mga naniniwala sa Diyos ay mabubuhay magpakailanman, sapagkat ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa kanila. Subalit ang sinuman na hindi nananalig kay Hesus ay mapaparusahan. Kailanman hindi makakapasok sa langit. (Music)
Ika-Apat na Larawan. Ang Isang Pinuno na Lumuhod sa harapan ni Hesus
Juan 4:46-54
Ano ang gagawin mo kung ang iyong anak na lalaki ay may malubhang karamdaman? Ang lalaki sa larawan ay naglakbay ng malayo upang hanapin si Hesus. Siya ay isa sa mahalagang pinuno sa kanilang bayan. Ang kanyang anak ay nasa bingit na ng kamatayan, kaya nagmakaawa siya kay Hesus at sinabi, "Ginoo, sumama po kayo sa akin, sa aming bahay bago mamatay ang aking anak." Sumagot si Hesus, "Maaari ka nang umuwi. Ang iyong anak ay mabubuhay." Ang lalaki ay nanalig kay Hesus at siya ay umuwi na. Habang siya ay nasa daan pauwi, sinalubong siya ng kanyang lingkod at ibinalita na buhay ang kanyang anak. Nawala ang lagnat ng bata nang oras na sinabi ni Hesus sa kanya, "Ang iyong anak ay mabubuhay." (Music)
Ika-Limang Larawan. Ang lalaking may malubhang karamdaman sa may paliguan
Juan 5:1-47
Sa lungsod ng Herusalem ay may isang paliguan. Ang mga tao ay naghihintay na gumalaw ang tubig dahil sila ay naniniwala na ang unang tao na makalusong sa tubig pagkatapos mapagalaw ng anghel ay gumagaling sa anomang karamdaman. May isang lalaki na pinahihirapan ng kanyang karamdaman sa loob ng tatlumpu’t-walong taon. Nakita siya ni Hesus sa tabi ng paliguan at sinabi Niya dito, "Nais mo bang gumaling?" Sumagot ang lalaki, "Walang makakatulong sa akin na magdala sa paliguan kapag napagalaw na ang tubig." Kaya sinabi ni Hesus, "Bumangon ka at bitbitin mo ang iyong higaan at lumakad." At sa sandaling iyon siya ay gumaling. May ilang mga taong naroon ang nagalit kay Hesus sapagkat nagpagaling siya ng may sakit sa araw ng pamamahinga, ang mahalaga at Banal na araw sa Diyos. Ito ang araw ng pamamahinga ng mga Hudyo mula sa kanilang pang-araw-araw na gawain, upang sumamba sa Diyos. Ang ginawa ni Hesus na pagpapagaling ay nagpapakita na Siya may karapatan at kapangyarihan mula sa Diyos na magpagaling anomang araw, maging sa araw ng pamamahinga. Nang makita ng mga pinuno ng mga Hudyo na bitbit ng lalaki ang kanyang higaan, sinabi nila dito. “Ngayon ay araw ng pamamahinga walang pinahihintulutan na magbitbit ng kanyang higaan sa araw na ito.” Nang malaman ng mga pinuno na si Hesus ang nagpagaling sa lalaki, sinimulan na nilang usigin si Hesus. (Music)
Ika-Anim na Larawan. Pinakain ni Hesus ang higit Limang Libong mga tao
Juan 6:1-15, 25-28, 35; Mateo 14:13-20; Marcos 6:30-44
Nabalitaan ng maraming tao na si Hesus ay nagpapagaling ng mga may sakit, kaya isang araw maraming mga tao ang sumunod sa Kanya sa isang liblib na lugar. At hindi nagtagal tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad, “Saan tayo makakabili ng tinapay para mapakain ang mga taong ito?” Sumagot ang isa sa kanyang mga alagad at sinabi, “Mayroon pong isang bata na narito na may dalang limang tinapay at dalawang isda, ngunit hindi po ito sasapat para maipakain sa napakaraming taong ito.” Pinaupo ni Hesus ang mga tao, kinuha niya ang tinapay at isda at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos ay pinagpirapiraso niya ang tinapay at ang isda, at ibinigay sa mga tao, at sila ay kumain hanggang sa gusto nila. Naging sapat sa lahat ang pagkain. Nang sumunod na araw patuloy na sinundan ng maraming tao si Hesus. Kaya sinabi Niya sa kanila. “Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, hinahanap ninyo Ako hindi dahil nauunawaan ninyo ang mga tanda ng himala na aking ginawa, kundi dahil kumain kayo ng tinapay at nabusog. Huwag kayong mag-alala sa mga pagkaing nasisira, sa halip hanapin ninyo ang pagkaing nagbibigay buhay na walang hanggan na ipagkakaloob sa inyo ng Anak ng Tao.” Ang tinutukoy ni Hesus ay ang kanyang sarili. Sinabi pa ni Hesus, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa Akin kailanman ay hindi na magugutom at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw. (Music)
Ika-Pitong Larawan. Lumakad si Hesus sa Ibabaw ng Tubig
Juan 6:16-22; Mateo 14:22-32
Pagkatapos pakainin ni Hesus ang mga tao pinauwi na Niya ang mga ito. Pinasakay naman niya sa isang bangka ang kanyang mga alagad at pinaunang pumunta sa kabilang ibayo ng lawa. Pagkatapos umakyat naman si Hesus na mag-isa sa bundok upang manalangin sa Diyos. Nang sumapit na ang gabi nanatili parin Siyang naroon. Samantala ang bangka ay malayo na sa lupa at hinahampas naman ng malalaking alon sapagkat salungat sila sa ihip ng hangin. Nang magmamadaling araw si Hesus ay sumunod sa kanila na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Nang makita si Hesus ng kanyang mga alagad na naglalakad sa ibabaw ng tubig natakot silang lahat. At sinabi, “Multo!” at sumigaw sila dahil sa sobrang takot. Ngunit sinabi ni Hesus sa kanila. “Huwag kayong matakot! Ako ito, Si Hesus.” Sumakay Siya sa bangka kasama nila, at kaagad tumigil ang hangin. At sa ganitong paraan muling ipinakita sa mga alagad na ang kapangyarihan ng Diyos ay kumikilos sa pamamagitan ni Hesus. (Music)
Ika-Walong Larawan. Pinagaling ni Hesus ang Isang Bulag
Juan 9:1-41, 8:12; 1 Juan 1:7
May isang lalaking bulag mula pa ng siya ay isilang. Tinanong si Hesus ng kanyang mga alagad, “Guro. Bakit isinilang na bulag ang lalaking ito? Nagkasala ba siya o ang kanyang mga magulang?” Sumagot si Hesus sa kanila at sinabi. “Hindi ito dahil sa kanyang kasalanan o sa kasalanan ng kanyang mga magulang. Ang taong ito ay ipinanganak na bulag upang maipakita ang gawa ng Diyos sa kanyang buhay.’’ At pagkatapos si Hesus ay dumura sa lupa at gumawa ng putik. Inilagay Niya ang putik sa mga mata ng bulag. At sinabi ni Hesus sa kanya, “Humayo ka, maghilamos ka ng iyong mata sa paliguan ng Siloe.” Ang ibig sabihin ng Siloe ay “Sinugo”. Kaya pumunta siya doon at naghilamos ng kanyang mga mata, at ng siya ay bumalik, nakakakita na siya. Marami sa atin ang bulag sa pang-unawa sa pamamaraan ng Diyos. Ngunit sinabi ni Hesus, “Ako ang liwanag ng sanlibutan. Ang sinumang sumusunod sa akin ay hindi na maglalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng liwanag ng buhay.” (Music)
Ika-Siyam na Larawan. Tinawag ni Hesus si Lazaro Mula sa Kamatayan
Juan 11:1-46
May isang lalaking nagngangalang Lazaro na may malubhang karamdaman. Si Lazaro at ang kanyang dalawang kapatid na babae na si Maria at Marta ay malapit na kaibigan ni Hesus. Nagpadala si Maria at Marta ng mensahe kay Hesus na nagsasabing, “Panginoon ang isa sa minamahal ninyo ay may malubhang karamdaman.” Nang marinig ni Hesus ang balitang ito, sinabi Niya, “Ang karamdamang ito ay hindi hahantong sa kamatayan. Kundi ito ay para sa kaluwalhatian ng Diyos at upang ang Anak ng Diyos ay mabigyan ng kaluwalhatian sa pamamagitan nito.” Mahal ni Hesus si Lazaro at ang mga kapatid niyang babae, subalit hindi Niya kaagad pinuntahan si Lazaro. Pagkaraan ng dalawang araw sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Patay na si Lazaro, at para sa inyong kapakanan ako ay nagagalak na wala ako roon, upang kayo ay maniwala. Kaya pumunta na tayo ngayon sa kanya,” Nang dumating si Hesus sa lugar, apat na araw ng nasa loob ng libingan si Lazaro. Nalungkot ang mga kapatid na babae ni Lazaro sapagkat hindi kaagad pumunta si Hesus upang siya ay pagalingin. Ngunit sinabi ni Hesus kay Marta, “Ang iyong kapatid ay mabubuhay muli.” Nanalangin si Hesus sa Diyos. At inutusan niya ang mga tao na buksan ang libingan. At si Hesus ay sumigaw, “Lazaro, Lumabas ka!” At lumabas nga si Lazaro na nababalot pa ng telang pang libing. Maraming tao na naroon sa libingan ang nakakita at nanalig kay Hesus. Sinabi ni Hesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit siya ay mamatay siya ay muling mabubuhay. Ang sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi na mamamatay.” Naniniwala ka ba dito? (Music)
Ika-Sampong Larawan. Si Hesus Ay Namatay Sa Krus
Juan 18:1-19:42
Pinatunayan ni Hesus sa pamamagitan ng kanyang mga himalang ginawa, na Siya ang nag-iisang Anak ng Diyos. Kaya ang mga pinuno ng Hudyo ay naiinggit sa kanya kaya nais nilang Siya ay patayin. Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad na kailangan Niyang mamatay para sa kasalanan ng lahat ng mga tao. Ito ang nag-iisang paraan upang mapanumbalik ang mga kalalakihan, kababaihan, at ang mga kabataan sa Diyos. Si Hudas, isa sa mga alagad ni Hesus, ang nagkanulo sa Kanya sa mga Hudyo kapalit ng salapi. Dumating sila upang hulihin si Hesus. Si Pedro at ang iba pang mga alagad ay nagsitakas dahil sa matinding takot. Dinala naman ng mga pinuno ng Hudyo si Hesus sa hukuman, subalit hindi nila mapatunayan na may ginawang kasalanan si Hesus. Kaya’t isinigaw nila, “Ipako Siya sa Krus! Ipako Siya sa Krus!” Hindi nagtagal dinala naman nila si Hesus sa harap ng mga tao. Ngunit ang sigaw parin nila, “Ipako Siya sa Krus! Ipako Siya sa Krus!” Pagkatapos ang Matuwid na Anak ng Diyos ay kihuha nila at pinatay, kasama ng dalawang kriminal. Pinarusahan sila dahil sa kanilang mga nagawang kasalanan, ngunit si Hesus na hindi nakagawa ng anumang kasalanan ay namatay bilang isang sakripisyo para sa kasalanan ng lahat ng mga tao, kasama ng kasalanan mo at ng sa akin. Si Hesus lamang ang nag-iisang handog na katanggap-tanggap sa harapan ng Diyos para sa ating mga kasalanan. (Music)
Ika-Labing Isang Larawan. Si Maria at si Hesus sa Libingan
Juan 19:38 - 20:18
Nang namatay si Hesus, si Jose na isa sa kanyang mga alagad ay humingi ng pahintulot na makuha ang Kanyang bangkay. Ibinigay naman ito sa kanya at inilibing niya ang katawan ni Hesus sa isang bagong libingan. Isang malaking bato ang inilagay nila sa bukana ng libingan. Nang ikatlong araw si Maria Magdalena ay nagtungo sa libingan ni Hesus. Siya ang babaeng pinalaya ni Hesus mula sa pagkaalipin ng masamang espiritu. At naratnan nyang naalis na ang batong nakatakip sa libingan, kaya’t si Maria ay nagsimulang umiyak. Yumuko siya at tiningnan ang loob ng libingan, wala na roon ang katawan ni Hesus. May dalawang Anghel naman na nakaupo sa pinaglagyan ng katawan ni Hesus. Tinanong ng Anghel si Maria, “Bakit ka umiiyak?” Sumagot si Maria. “Kinuha po nila ang katawan ng aking Panginoon! Hindi ko alam kung saan Siya inilagay.” Nang lumingon si Maria may nakita siyang isang lalaking nakatayo doon. Ngunit hindi niya nakilala na ito ay si Hesus. Tinanong ni Hesus si Maria, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang iyong hinahanap?” Inakala ni Maria na siya ay isang hardinero, at sinabi niya sa Kanya. “Ginoo. Kung kayo po ang kumuha sa Kanya ituro nyo po sa akin kung saan nyo Siya dinala at akin po Siyang kukunin.” At sinabi ni Hesus sa kanya, “Maria.” At napagtanto ni Maria na si Hesus na ang kanyang kausap. Siya ay buhay! Sinabi ni Hesus kay Maria. “Pumunta ka sa aking mga alagad at sabihin mo, ‘Babalik na ako sa Aking Ama na inyong Ama. Sa aking Diyos na inyong Diyos.’” (Music)
Ika-Labing Dalawang Larawan. Nagpakita si Hesus sa Kanyang Mga Alagad
Juan 21:1-19
Bago bumalik sa langit si Hesus, gumawa pa Siya ng isa pang himala. Isang gabi ang ilan sa Kanyang mga alagad ay nangisda, subalit wala silang nahuli kahit isa. Kinaumagahan, isang lalaki ang nagpakita sa kanila sa may tabi ng lawa. Sinabi sa kanila ng isang lalaki na ihagis nila ang kanilang lambat sa kanang bahagi ng bangka upang sila ay makahuli. Sumunod nga sila, at nakahuli sila ng maraming isda. Napagtanto ng mga alagad na ang kausap nila ay si Hesus. Dinala nilang lahat ang kanilang mga nahuling isda sa tabi ng lawa. Doon ay naghanda naman si Hesus ng kanilang makakain. Pagkatapos nilang kumain, kinausap Niya ang Kanyang mga alagad, isa si Pedro sa mga naroon. Si Pedro ay kasamang tumakas ng mga alagad ng gabing si Hesus ay hulihin at kalaunan ay itinatwa niya si Hesus. Sinabi ni Hesus kay Pedro, “Sumunod ka sa Akin!” At sinabi din Niya kay Pedro na turuan ang Kanyang mga tupa, alagaan sila at turuang magbahagi ng Mabuting Balita tungkol kay Hesus at kung paano Siya namatay para sa kanilang mga kasalanan at kung paanong napagtagumpayan ni Hesus si Satanas nang Siya ay muling nabuhay mula sa mga patay. Nais ng Diyos na marinig ng lahat ng tao ang tungkol kay Hesus at ang Kanyang mga himalang nagawa upang sila ay manalig na si Hesus ay Anak ng Diyos. Sundin natin Siya upang tayo ay maligtas at magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Music)
Panimula sa susunod na mga kwento
Si Hesus ang nag-iisang dakilang tagapagligtas. Iniligtas Niya tayo mula sa kasalanan at sa kasamaan. Binigyan Niya tayo ng buhay na walang hanggan. Pakinggan ang iba pang katuruan patungkol kay Hesus. Tumingin sa susunod na larawan kapag narinig ninyo ang tunog na ganito. (Music)
Ika-Labing tatlong Larawan. Tinuruan ni Hesus ang Dalawang Alagad
Lucas 24:13-35
Maraming mga Hudyo ang umaasa na ililigtas sila ni Hesus mula sa kanilang mga kinamumuhiang pinunong Romano. Subalit hindi iyon ang dahilan kung bakit bumaba si Hesus sa lupa. Kaya hindi nagtagal hiniling ng mga Hudyo sa mga pinunong Romano na patayin si Hesus. Naalala pa ba ninyo kung paano pinatay ng mga sundalong Romano si Hesus?, ito ay sa pamamagitan ng pagpako sa Krus kung saan Siya namatay. Nang Siya ay nabuhay na muli, dalawa sa Kanyang mga alagad ang naglalakad pauwi sa kanilang bahay, nang biglang nagpakita sa kanila si Hesus. Hindi nila nakilala si Hesus at inakala nilang Siya ay isang dayuhan lamang. Tinanong sila ni Hesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?” Sinabi nila, “Ikaw lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga pangyayaring naganap kamakailan” Kaya sinabi nila sa Kanya kung ano ang nangyari kay Hesus, kung paano Niya ipinakita na Siya ay isang propeta mula sa Diyos sa pamamagitan ng mga makapangyarihang himala na Kanyang ginawa, at kung paano Siya hinuli ng kanilang mga pinuno at ibinigay upang ipako sa Krus.” Kaya ipinaliwanag ni Hesus sa kanila kung ano ang sinabi ni Moses at ng lahat ng mga propeta ng Diyos tungkol sa Kanya mula sa Banal na Kasulatan maraming taon na ang nakalipas. Sinabi ng mga Propeta na Siya ay magdurusa at mamamatay. Sinabi din nila na Siya ay muling mabubuhay mula sa mga patay upang umupo sa kanan ng Diyos Ama kung saan Siya ay mamamahala sa kaharian ng Diyos magpakailanman. Nang gabi ding iyon ay naupo si Hesus upang kumain kasama ang dalawang alagad. Dumampot Siya ng tinapay at pinagputol-putol at ibinigay sa kanila. Nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Hesus, subalit bigla Siyang nawala sa kanilang paningin. Kaya kaagad silang bumalik sa Herusalem upang ibalita sa ibang mga alagad na nakita nila na si Hesus at Siya ay buhay. Pakinggan natin kung ano ang mga itinuturo sa atin ni Hesus mula sa Banal na Kasulatan. (Music)
Ika-Labing Apat na Larawan: Ang Anak na lalaki (kasama) sa kulungan ng Mga Baboy
Lucas 15:11-20
Bago mamatay si Hesus, Siya ay nagbahagi ng isang kwento tungkol sa isang ama na may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng nakababatang anak na lalaki sa kanyang ama, “Ibigay nyo na sa akin ang bahaging mamanahin ko mula sa ari-arian ng ating pamilya”. Kaya hinati ng ama ang kanyang mga ari-arian sa kanyang dalawang anak. Ang nakababatang anak ay nagpunta sa malayong lugar, at doon ay nilustay niya ang kanyang salapi sa hindi magandang pamumuhay. Dumating ang matinding taggutom sa lugar na iyon. Naubos ang lahat ng kanyang mga salapi at wala ng natira. Kaya’t namasukan siya sa isang lalaking tagaroon at siya’y pinagtrabaho nito bilang tagapagpakain sa kanyang babuyan. Sa tindi ng kanyang gutom ninais niya na rin kainin ang pagkain ng mga baboy. Nang mapag-isip-isip niya ang kanyang mga ginawa, sinabi niya sa kanyang sarili, “Labis-labis ang pagkain ng mga alila ng aking ama, samantalang ako’y namamatay dito sa gutom! Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko sa kanya, ‘Ama, nagkasala ako sa Diyos at sayo. Hindi na ako karapat-dapat na tawagin mong anak. Gawin mo na lamang akong isa sa inyong mga tagapaglingkod’”. Kaya bumangon siya at bumalik sa kanyang ama. (Music)
Ika-Labing Limang Larawan. Ang Pag-uwi Ng Nawalang Anak
Lucas 15:20-32
Malayo pa ay natanaw na siya ng kanyang ama. Kaya patakbo siyang sinalubong ng kanyang ama, hinalikan at niyakap. Tinawag ng ama ang kanyang mga tagapaglingkod at sinabi niya, “Kunin ninyo ang pinakamagandang damit at maghanda kayo ng masasarap na pagkain. Tayo ay magsasaya at magdiriwang, sapagkat ang anak kong ito ay namatay at muling nabuhay, siya ay nawala at muling natagpuan.” Nagkaroon ng labis na kagalakan. Sinabi sa atin ni Hesus na ang Diyos ay katulad ng ama. Ang lahat ng tao ay katulad ng anak na nagkasala at namuhay sa kahihiyan. Ngunit mahal parin tayo ng Diyos. Nais Niyang tayo ay muling manumbalik sa kanya. Nais din Niyang tayo ay patawarin at kunin ang lahat ng ating kahihiyan upang tayo ay mamuhay muli ng may karangalan. Kaya’t sinugo niya si Hesus upang hanapin at iligtas ang lahat ng nahiwalay sa Diyos. Ang lahat ng taong nabubuhay ng hiwalay sa Diyos ay ang mga nawawala. Si Hesus ang tanging daan upang ang lahat ng nawawala ay mapanumbalik sa Diyos Ama at mapabilang sa pamilya ng Diyos. (Music)
Ika-Labing Anim na Larawan. Ang Kayamanan ng Isang Mayamang Lalaki
Lucas 12:13-21
Muling nagbahagi si Hesus ng kwento tungkol sa isang mayamang lalaki na umani ng saganang ani sa kanyang bukirin. Sinabi ng lalaki sa kanyang sarili, “Ano ang dapat kong gawin, wala na akong mapaglagyan ng aking mga ani?” At sinabi pa niya, “Ito ang aking gagawin: Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malaki. Doon ko ilalagay ang aking mga ani at ibang mga ari-arian. At sasabihin ko sa aking sarili, ‘Marami kanang naipon para sa mahabang panahon; kaya’t magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpakasaya!’ “Ngunit sinabi ng Diyos sa kanya, “Hangal! Sa gabing ito ikaw ay mamatay. Kanino ngayon mapupunta ang lahat ng pinaghirapan mong ipunin para sa iyong sarili?.” Sinabi ni Hesus, “Ganito ang mangyayari sa sinumang nag-iipon ng mga bagay para sa kanyang sarili. Ngunit mahirap naman sa paningin ng Diyos. Mag-ingat at bantayan ninyong mabuti ang inyong sarili sa lahat ng uri ng kasakiman sapagkat ang buhay ay hindi nasusukat sa dami ng iyong mga kayamanan,’’ (Music)
Ika-Labing Pitong Larawan. Ang Pulubi At Ang Mayaman
Lucas 16:19-31
Ipinagmamalaki ng mga Pariseo ang kanilang mga sarili bilang isang mahigpit na taga sunod ng mga kautusan ni Moses at ng mga Propeta. Subalit tinanggihan naman nila si Hesus. Kaya sinabi ni Hesus ang isang talinghaga tungkol sa isang mayamang lalaki na mayroon ng lahat ng bagay na gusto niya. Siya ay nagsusuot ng mga mamahaling damit at kumakain ng masasarap na pagkain sa araw araw. Sa labas ng pintuan ng kanyang bahay ay may nakahigang pulubing nagngangalang Lazaro. Masaya siyang kumakain ng mga pirasong nahuhulog sa lamesa ng mayaman. Ang kanyang buong katawan ay puno ng sugat, kaya nilalapitan siya ng mga aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. Ang pulubi ay namatay at dinala siya ng mga anghel sa langit. At doon naupo kasama ni Abraham. Nang mamatay ang mayaman, dinala naman siya sa lugar ng mga patay (Hades). Kung saan doon siya pinahihirapan. Mula roon ay natanaw niya sa malayo si Abraham at ang pulubi. Sinabi niya kay Abraham na kung maari papuntahin sa kanya ang pulubi upang dalhan siya ng tubig. Ngunit sinabi ni Abraham, “Anak, alalahanin mo noong ikaw ay nabubuhay pa, nakukuha mo ang lahat ng maibigan mo. At si Lazaro ay walang-wala. Kaya siya ay inaaliw ngayon dito, at ikaw naman ay naghihirap sa lugar na iyan. At bukod dito, sa pagitan natin ay may malaking bangin na namamagitan sa atin, kaya ang sino mang nagnanais na pumunta galing dito papunta sayo ay hindi maaari, at ganun din naman kahit ang tumawid dito na galing sayo ay hindi rin maari. Kaya’t sinabi ng mayaman, “Nakikiusap po ako, amang Abraham, kung maari ay papuntahin mo siya sa tahanan ng aking ama. Sapagkat may lima pa akong kapatid na lalaki, nais kong bigyan niya sila ng babala upang hindi sila humantong sa lugar na ito ng pagdurusa.” Ngunit sumagot si Abraham, “Maaari nilang basahin ang mga isinulat ni Moses at ng mga propeta. Dapat nilang bigyang pansin ang mga iyon.” Tumugon ang mayaman, “Hindi po, amang Abraham! Ngunit kung may magpupunta sa kanila galing sa mga patay, magsisisi sila sa kanilang mga kasalanan at manunumbalik sa Diyos.” Ngunit sinabi ni Abraham, “Kung hindi sila makikinig kay Moses at sa mga Propeta, hindi rin sila makikinig kahit sa isang taong nabuhay mula sa mga patay.” Akala ng mga Pariseo ay napaparangalan nila ang Diyos at ang Banal na kasulatan. Ngunit hindi naman sila naniniwala kay Hesus kahit Siya ay nabuhay na muli mula sa mga patay. Mayaman kaman o mahirap dapat mong mahalin at bigyan ng kaluwalhatian ang Diyos. Manampalataya ka sa Panginoong Hesus upang ikaw ay maligtas at hindi mapunta sa walang hanggang paghihirap. At makatanggap ka ng buhay na walang hanggan mula sa Diyos. (Music)
Ika-Labing Walong Larawan. Ang kaibigan Sa May Pintuan
Lucas 11:5-13
Minsan may isang lalaking pumunta sa kanyang kaibigan at nagsabi, “Kaibigan, pahiramin mo muna ako ng tatlong pirasong tinapay, sapagkat ang isa sa aking kaibigan ay dumating galing sa malayong paglalakbay, at wala na akong pagkaing maipapakain sa kanya.” Sinabi ng kanyang kaibigan, “Huwag mo akong gambalain, nakasarado na ang pinto at ang aking pamilya ay matutulog na.” Ayaw na niyang bumangon. Ngunit ang lalaki na nasa pintuan ay hindi nahihiya at patuloy sa paghingi. Kaya bumangon ang kanyang kaibigan at ibinigay ang kanyang kailangan. Sinabi ni Hesus, “Humingi kayo at kayo ay bibigyan; humanap kayo at kayo ay makakasumpong; kumatok kayo at kayo ay pagbubuksan. Sapagkat ang sinumang humihingi ay makakatanggap; ang sinumang humahanap ay makakasumpong; at ang sinumang kumakatok sa pintuan ay pagbubuksan. Nais ng Diyos na maging mabuting Ama sa ating lahat. Nais din Niyang ibigay sa atin ang Banal na Espiritu at ipagkaloob ang lahat ng ating pangangailangan. Ang kailangan lamang nating gawin ay patuloy na tumawag sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin. (Music)
Ika-Labing Siyam na Larawan. Ang Dalawang Lalaki sa Templo ng Diyos
Lucas 18:9-14
Makikita natin sa larawan ang dalawang lalaki na nananalangin sa templo ng Diyos. Ang isa ay napaka relihiyoso at mapagmalaki. Nananalangin lamang siya para sa kanyang sarili at sinabi niya, “Panginoon, nagpapasalamat ako sapagkat hindi ako katulad ng ibang mga tao, -magnanakaw, gumagawa ng masama, nakikiapid, o kaya’y katulad ng maniningil ng buwis. Nag-aayuno ako ng dalawang beses sa loob ng isang linggo at nagkakaloob ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita”. Hindi nalugod ang Diyos sa taong ito at sa kanyang panalangin. Ang isang lalaki naman ay hindi matapat sa paniningil ng buwis. Ninanakaw niya ang pera ng mga tao, at alam niya na hindi siya kinalulugdan ng Diyos. Kaya humingi siya ng tawad sa lahat ng kanyang ginawa, hinampas niya ang kanyang dibdib at iniyuko ang kanyang ulo dahil sa kahihiyan. Nanalangin siya sa Diyos, “O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan,” sinabi ni Hesus, “Ang maniningil ng buwis ang naging matuwid sa harapan ng Diyos. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas. (Music).
Dalawampung Larawan. Ang Magsasakang Naghasik ng Binhi
Lucas 8:4-9
Isang araw si Hesus ay nagturo sa mga tao at sinabi Niya, “Isang magsasaka ang lumabas upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik ng mga binhi, may binhing nalaglag sa daan; natapakan ng mga tao at tinuka ng mga ibon. Ang iba naman ay nalaglag sa batuhan at ng tumubo ang binhi, nalanta ang mga ito sapagkat walang sapat na tubig. Ang iba naman ay nalaglag sa may mga tinik at ng lumago ang mga damo sinakal nito ang mga binhing tumubo roon. At ang iba naman ay nalaglag sa mabuting lupa, tumubo ang binhi at nagbigay ng masaganang ani, isang daang beses ang dami higit pa sa naihasik. Sinabi ni Hesus sa mga tao, “Ang may pandinig ay makinig.” (Music)
Ika-Dalawamput Isang Larawan. Ang Pagtubo ng mga Binhi
Lucas 8:9-15
Ipinaliwang ni Hesus ang talinghaga tungkol sa naghasik ng binhi. “Ang binhi ay ang salita ng Diyos. Ang mga nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga taong nakinig, ngunit dumating ang dyablo at inalis nito ang salita ng Diyos mula sa puso ng mga nakikinig, upang hindi sila maniwala at maligtas. Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig ng Salita at tumanggap ng may kagalakan, ngunit hindi naman nag-ugat sa kanilang puso. Sandali lamang silang naniwala, kaya ng dumating ang mga pagsubok sila ay sumuko. Ang binhi na nalaglag sa gitna ng mga tinik ay ang mga nakinig sa Salita ng Diyos, ngunit nang tumagal nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan, dahil dito sila ay hindi lumago. Ang binhi naman na nalaglag sa mabuting lupa ay ang mga nakinig ng Salita at nag-iingat nito sa kanilang pusong tapat at malinis, at sa pamamagitan ng pagsusumikap ay nagbunga ng magandang ani.” Paano mo maririnig at matatanggap ang mabuting balita tungkol kay Hesus? At kung ikaw ay maniniwala, mananatili kaba sa iyong pananampalataya kahit dumating ang mga tukso, kahirapan at ang maraming bagay na pinagkakaabalahan sa buhay upang subuking nakawin ang mensahe sa iyong puso? Kung narinig mo ang salita ng Diyos at ikaw ay naniwala at hindi sumuko. Ikaw ay katulad ng isang mabuting lupa na magbubunga ng masaganang ani.
Ika-Dalawamput Dalawang Larawan. Ang pagtulong sa Isang Sugatang Lalaki
Lucas 10:25-37
Ang Salita ng Diyos, ang Biblia, nagtuturo ito sa atin na mahalin natin ang Diyos at ang ating kapwa. Ngunit sino nga ba ang mga taong dapat nating mahalin? Nagkwento si Hesus tungkol sa isang lalaking naglalakbay sa isang liblib na daan, hinarang siya ng mga tulisan, ninakaw ang kanyang mga dala, binugbog at iniwang halos wala ng buhay. Di nagtagal may magkasunod na dumaang dalawang relihiyosong tao, isang paring Hudyo at Levita, pareho nilang nakita ang taong sugatan, ngunit nilagpasan lamang nila ito at hindi tinulungan. At may isang dayuhang Samaritano na naglalakbay ang napadaan doon. Nakita niya ang taong nakahandusay at naawa siya. Kaya nilapitan niya, hinugasan at tinalian ang mga sugat ng lalaki at isinakay niya sa kanyang asno, dinala niya sa isang lugar upang manatili doon nang magdamag at upang makatanggap ng karagdagang tulong. Sinabi ni Hesus kung mahal natin ang Diyos dapat nating ipakita ang pagmamahal na ito sa pamamagitan ng pagtulong sa sinumang nangangailangan. (Music)
Ika-Dalawamput Tatlong Larawan. Ang Pagbabalik Ng May-ari ng Bahay
Lucas 12:35-48
Naaalala nyo pa ba na pagkamatay ni Hesus, Siya ay muling nabuhay mula sa mga patay? Nakita Siya ng kanyang mga alagad bago Siya bumalik sa langit. Sinabi sa kanila ni Hesus na Siya ay muling babalik. At sinabi pa niya na ang lahat ng naniniwala sa Kanya ay dapat maging katulad ng mga tagapaglingkod na naghihintay sa pagbabalik ng kanilang panginoon mula sa piging ng kasalan. Sinabi ni Hesus, “Mapalad ang mga lingkod kapag nadatnan sila ng kanilang panginoon na nakahanda.” Sapagkat hindi natin alam kung kailan ang muling pagbabalik ni Hesus. Dapat nating gawin kung ano ang kalooban Niya at maging handa tayo na tanggapin at salubungin Siya anomang oras ng Kanyang muling pagbabalik. Ito ang magiging panahon kung saan magkakaroon ng labis na kagalakan at kaligayahan. Para sa mga hindi nanalig kay Hesus ito ang magiging oras ng kanilang matinding kapighatian. Sinabi din ni Hesus sa mga katiwala ng Kanyang mga alipin na dapat din silang maging handa sa Kanyang muling pagbabalik. Kung pinamamahalaan niya ng maayos ang kayang sambahayan at pinangangalagaan ang Kanyang mga alipin siya ay makakatanggap ng malaking gantimpala. Ngunit kung inaabusu niya ang Kanyang mga alipin at hindi maganda ang kanyang pamamahala siya makakatanggap ng matinding parusa. (Music)
Ika-Dalawamput Apat na larawan. Ang Lalaki Sa Puno
Lucas 19:1-10
Maililigtas ni Hesus ang sinuman mula sa kasalanan. Makinig tayong mabuti sa kwentong ito: Si Zaqueo ay isang mayaman at pinuno ng mga maniningil ng buwis. Hindi siya matapat at nagnanakaw siya ng pera sa mga tao. Nabalitaan niyang si Hesus ay dadaan sa kanyang lugar at gusto niya Siyang makita, ngunit si Zaqueo ay maliit na tao at si Hesus ay napapaligiran naman ng napakaraming tao. Kaya si Zaqueo ay umakyat sa isang puno. Pagdaan ni Hesus tumingala siya at sinabi, “Zaqueo bumaba ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay.” Nagulat ang lahat ng taong naroon. Sapagkat si Zaqueo ay hindi mabuting tao. Ngunit dali-daling bumaba si Zaqueo at tinanggap niya si Hesus ng buong kagalakan. Sinabi ni Zaqueo kay Hesus na tatalikuran na niya ang kanyang masasamang gawa at magbabagong buhay. Sinabi nya, “Panginoon, ibibigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking kayamanan, at kung may nadaya akong mga tao sa kanilang mga buwis, ibabalik ko sa kanila ng maka-apat na beses.” Kaya sinabi ni Hesus, “Ngayon ang kaligtasan at dumating sa sambahayang ito.” Si Zaqueo ay kabilang na sa pamilya ng Diyos. Si Hesus ay naparito upang hanapin at iligtas ang sinumang nawala sa Diyos, (Music)