unfoldingWord 16 - Ang mga Tagapagtanggol
概要: Judges 1-3; 6-8; 1 Samuel 1-10
スクリプト番号: 1216
言語: Tagalog
観客: General
目的: Evangelism; Teaching
Features: Bible Stories; Paraphrase Scripture
状態: Approved
スクリプトは、他の言語への翻訳および録音の基本的なガイドラインです。スクリプトは、それぞれの異なる文化や言語で理解しやすく、関連性のあるものにするために、必要に応じて適応させる必要があります。使用される用語や概念の中には、さらに説明が必要な場合や、完全に置き換えたり省略したりする必要がある場合もあります。
スクリプトテキスト
Nang namatay si Joshua hindi sinunod ng mga Israelita ang mga utos ng Diyos at hindi rin nila pinalayas ang mga natitirang Cananeo. Sinasamba na rin nila ang mga diyos-diyosan ng mga Cananeo sa halip na ang tunay na Diyos na si Yahweh. Palibhasa’y wala pang hari ang mga Israelita noon kaya ginagawa na lang nila ang tama sa paningin nila.
Ngunit Bilang parusa hinayaan sila ng Diyos na matalo ng mga kaaway nila. Ninakaw ng mga kaaway nila ang mga gamit, pinagsisira ang mga ari-arian at marami rin silang pinatay na Israelita. Pagkatapos ng maraming taon ng hindi nila pagsunod sa Diyos at pagpapahirap sa kanila ng mga kaaway, nagsisi rin sila at humingi ng tulong sa Diyos.
Pinakinggan sila ng Diyos at pumili siya ng tagapagtanggol na nagligtas sa kanila laban sa mga kaaway nila kaya nagbalik ang kapayapaan sa lupain. Hindi nagtagal ay nakalimot sila at hindi nanaman nila sinunod ang mga iniutos ng Diyos. Muli silang sumamba sa mga diyos-diyosan kaya hinayaan ng Diyos na matalo sila ng mga kaaway na nakapaligid lang sa kanila, ang mga Midianita.
Sa loob ng pitong taon palaging kinukuha ng mga Midianita ang bunga ng mga pananim ng mga Israelita. Takot na takot ang mga Israelita kaya nagtatago sila sa mga kweba para hindi sila mahanap ng mga Midianita. Dahil dito dumating sa puntong nagsumamo sila sa Diyos para tulungan sila.
Isang araw may isang binatang Israelita na nagngangalang Gideon na patagong nagpapagpag ng trigo para hindi ito makuha ng mga Midianita. Habang nagpapagpag si Gideon kinausap siya ng isang anghel mula sa Diyos, “Matapang na mandirigma, humayo ka at sasamahan ka ng Diyos para iligtas ang mga Israelita mula sa mga Midianita.”
Sa panahong iyon may altar ang ama ni Gideon na laan para sa diyos-diyosan, inutusan ng Diyos si Gideon na wasakin ito pero natatakot siya sa mga tao kaya hinintay muna niyang magdilim. Pagsapit ng gabi winasak ni Gideon ang altar hanggang sa madurog ito. Pagkatapos gumawa siya ng bagong altar na malapit sa pinagtayuan ng altar ng diyos-diyosan at doon siya naghandog sa Diyos.
Kinabukasan galit na galit ang mga tao nang makita nilang may sumira ng altar. Nang malaman nilang si Gideon ang may kagagawan nito pinuntahan nila siya sa bahay nito para patayin. Pero sinabi ng ama ni Gideon sa mga tao, “Bakit niyo tutulungan ang diyos niyo? Kung tunay siyang Diyos, hayaan niyong ipagtanggol niya ang sarili niya!” Dahil sa sinabi ng kanyang ama hindi pinatay ng mga tao si Gideon.
Sa kabilang dako naman bumalik ang mga Midianita na hindi mabilang sa dami para nakawan ang mga Israelita. Tinawag naman ni Gideon ang mga Israelita para labanan ang mga Midianita. Humingi ng dalawang palatandaan si Gideon sa Diyos para siguraduhin kung tutulungan nga siya ng Diyos para iligtas ang bayan ng Israel mula sa mga Midianita.
Ito ang unang palatandaang hiningi ni Gideon. Nilapag niya ang balat ng tupa sa lupa at hiniling niya sa Diyos na ito lang ang mabasa ng hamog sa umaga pero dapat ay tuyo ang lupa. Ginawa nga iyon ng Diyos. Nang sumunod na gabi, hiniling naman ni Gideon na ang lupa lang ang mabasa at tuyo naman dapat ang balat ng tupa. Ginawa din iyon ng Diyos. Dahil sa mga palatandaang ito naniwala na si Gideon na tutulungan nga siya ng Diyos na iligtas ang Israel mula sa mga Midianita.
32,000 na sundalong Israelita ang tumugon sa panawagan ni Gideon at pumunta sa kanya pero sinabi ng Diyos na masyado itong marami. Dahil dito pinauwi na ni Gideon ang 22,000 na takot lumaban pero sinabi ng Diyos sa kanya na marami pa rin sila kaya pumili si Gideon ng 300 na sundalo at ang iba naman ay pinauwi na niya.
Nang gabi ding iyon sinabi ng Diyos kay Gideon, “Pumunta ka sa lugar na pinagkakampuhan ng mga Midianita at kapag narinig mo ang usapan nila, hindi ka na matatakot. “Kaya bumaba nga si Gideon ng gabing iyon sa kampo ng mga Midianita at narinig niya ang isang sundalong Midianita na nagkukwento sa kaibigan niya tungkol sa napanaginipan niya. Sumagot ang kausap niya “Ang ibig sabihin ng panaginip mong iyan, tayong mga sundalong Midianita ay tatalunin nila Gideon!” Pagkarinig ni Gideon sa pinag-usapan nila, pinuri niya ang Diyos.
Pagkatapos ay bumalik si Gideon sa mga sundalo niya at binigyan niya ang bawat isa ng kanya-kanyang trumpeta, banga at sulo. Sa gabi ring iyon pinaligiran nila ang kampo ng mga Midianita habang natutulog ang mga sundalo. Tinakpan ng 300 na sundalo ang mga sulo nila ng banga para hindi makita ng mga Midianita ang liwanag ng mga nito.
Nang nakahanda na ang lahat, sabay-sabay na binasag ng mga sundalo ni Gideon ang mga banga. Biglang nagliwanag ang paligid dahil sa mga sulong may apoy at saka nila hinipan ang mga trumpeta nila at sumigaw ng ganito, “Laban para kay Yahweh at kay Gideon!”
Nilito naman ng Diyos ang mga Midianita kaya sila-sila na mismo ang naglabanan at nagpatayan. Kaagad na ipinatawag ang ibang mga sundalong Israelita mula sa mga bahay nila para tumulong sa paghabol sa mga tumatakas na Midianita. Nakapatay sila ng maraming mga Midianita at pinalayas ang iba papalabas sa lupain ng mga Israelita. Nang araw na iyon 120,000 ang napatay na Midianita. Ganito iniligtas ng Diyos ang Bayan ng Israel.
Gusto ng mga tao na gawing hari si Gideon pero tumanggi siya at sa halip ay hiningi niya ang mga gintong singsing na nakuha nila mula sa mga Midianita. Marami silang binigay na ginto kay Gideon.
Pinatunaw niya ang mga ginto para gawing kasuotan na katulad sa kasuotan ng pinakapunong pari pero ito naman na ang sinamba ng mga tao at ginawa nilang diyos-diyosan. Dahil dito muling pinarusahan ng Diyos ang Bayan ng Israel. Hinayaan ng Diyos na talunin sila ng mga kaaway nila at dumating nanaman sa puntong muli silang humingi ng tulong sa Diyos. Pumili nanaman ang Diyos ng panibagong tagapagtanggol nila.
Paulit-ulit lang ang ganitong mga pangyayari. Magkakasala ang mga Israelita, parurusahan nanaman sila ng Diyos, magsisisi sila at pipili nanaman ng tagapagtanggol ang Diyos para iligtas sila. Sa loob ng maraming taon marami ng tagapagtanggol ang pinili ng Diyos para iligtas sila mula sa mga kaaway nila
Sa bandang huli hari naman ang hinihiling nila sa Diyos para matulad sila sa ibang mga bansang may hari. Matangkad at malakas ang gusto nilang maging hari at dapat kaya silang pangunahan sa labanan. Hindi nagustuhan ng Diyos ang hinihiling nila pero binigyan pa rin niya ng hari ang mga Israelita.