unfoldingWord 14 - Ang Pagkaligaw sa Ilang
Obris: Exodus 16-17; Numbers 10-14; 20; 27; Deuteronomy 34
Broj skripte: 1214
Jezik: Tagalog
Publika: General
Žanr: Bible Stories & Teac
Svrha: Evangelism; Teaching
Biblijski citat: Paraphrase
Status: Approved
Skripte su osnovne smjernice za prevođenje i snimanje na druge jezike. Treba ih prilagoditi prema potrebi kako bi bili razumljivi i relevantni za svaku različitu kulturu i jezik. Neki korišteni pojmovi i pojmovi možda će trebati dodatno objašnjenje ili će ih se čak zamijeniti ili potpuno izostaviti.
Tekst skripte
Matapos sabihin ng Diyos ang kautusan niya sa mga Israelita na dapat nilang sundin bilang bahagi ng kanilang kasunduan, iniwan nila ang Bundok Sinai. Pinangunahan ng Diyos sa paglalakbay ang mga Israelita papunta sa lugar na tinatawag na Canaan, ang lupang ipinangako ng Diyos sa kanila. Ang haliging ulap ang nangunguna sa kanila papunta sa Canaan at sinusundan nila ito.
Ipinangako ng Diyos kay Abraham, Isaac at Jacob na ibibigay niya sa mga anak nila ang lupain ng Canaan ngunit marami ng nakatira sa lupaing iyon na iba’t ibang lahi, Cananeo ang tawag sa kanila. Hindi sumasamba at sumusunod sa Diyos ang mga Cananeo. Diyos-diyosan ang sinasamba nila at marami silang ginagawang masasama.
Sinabi ng Diyos sa mga Israelita, “Palayasin niyo lahat ng mga Cananeo sa lupaing iyon. Huwag kayong makikipagkaibigan sa kanila ni makipag-asawa man. Wasakin ninyo lahat ng mga diyus-diyosan nila dahil kung hindi niyo ako susundin, diyos-diyosan nila ang sasambahin niyo sa halip na ako.”
Nang malapit na sa Canaan ang mga Israelita pumili si Moses ng labing dalawang lalaki mula sa labing dalawang tribo ng Israel. Inutusan sila ni Moses na pumunta doon at manmanan ng palihim ang lupain at tingnan din kung malalakas o mahihina ang mga tao doon.
Apatnapung araw naglakbay sa loob ng Canaan ang labindalawang lalaking inutusan ni Moses bago sila nakabalik. Pagbalik nila sinabi nila, “Ang lupa doon ay mataba, marami at malalago ang mga pananim!” Pero ang sabi naman ng sampu sa kanila, “Napakatibay ng mga pader ng lungsod at puro higante ang mga nakatira doon, siguradong matatalo at mamamatay lang tayo kapag nilabanan natin sila!”
Sumagot naman kaagad ang dalawa sa mga nagmanman na si Caleb at Joshua at sinabing, “Totoong mga malalakas ang mga tagaroon pero siguradong kaya natin silang talunin dahil ang Diyos ang lalaban para sa atin!”
Ngunit hindi pinakinggan ng mga tao ang sinabi ni Caleb at Joshua. Nagalit pa sila kina Moses at Aaron at sinabi nila, “Bakit ninyo kami dinala sa mapanganib na lugar na ito? Hindi na dapat kami umalis sa Egypt kaysa naman mapatay kami sa labanan dito at gawing alipin ang aming mga asawa’t anak.” Gusto na nilang pumili ng ibang pinuno para ibalik sila sa Egypt.
Dahil dito galit na galit ang Diyos at pumunta siya sa Tolda ng Pagpupulong at sinabi, “Dahil nagkasala kayong lahat, kayo ay magpapalaboy-laboy sa ilang. Maliban kina Caleb at Joshua, Lahat ng may edad na 20 pataas ay hindi makakapasok sa Lupang Pangako dahil mamamatay sila sa ilang.”
Nalungkot ang mga tao nang marinig nila ito. Nagsisi sila sa hindi pagsunod sa Diyos na sakupin ang Canaan kaya kinuha nila ang mga sandata nila at umalis para lumusob. Binalaan sila ni Moses na hindi dapat sila tumuloy dahil hindi sila sasamahan ng Diyos pero hindi sila nakinig at tumuloy pa rin sila.
Hindi nga sila tinulungan at sinamahan ng Diyos sa labanan kaya natalo sila at napakaraming namatay sa kanila kaya umalis ang mga Israelita sa Canaan at bumalik sa ilang at nagsimulang magpalaboy-laboy sa loob ng 40 na taon.
Ibinigay ng Diyos lahat ng kailangan ng mga Israelita sa 40 taong pagpapalaboy-laboy nila sa ilang. Binigyan sila ng Diyos ng tinapay mula sa langit na kung tawagin ay “Manna”. Pinapadalhan din sila ng Diyos ng maraming pugo, na ibong katamtaman ang laki, sa kanilang kampo para makakain din sila ng karne. Noong mga panahong iyon, hindi man lang pinabayaan ng Diyos na masira ang mga damit at mga sandalyas nila.
Mahimalang nagpapalabas ng tubig mula sa bato ang Diyos para sa kanila. Pero sa kabila ng lahat nagrereklamo at sinisisi pa rin ng mga tao ang Diyos at si Moses. Kahit ganoon, nanatili pa ring tapat ang Diyos sa mga panagako niya kina Abraham, Isaac at Jacob.
Minsan walang mainom ang mga tao. Sinabi ng Diyos kay Moses, “Kausapin mo ang bato at may lalabas na tubig dito.” Pero hindi iginalang ni Moses ang Diyos sa harap ng mga tao dahil dalawang beses niyang hinampas ng tungkod ang bato sa halip na kausapin niya ito. Lumabas nga ang tubig mula sa bato at nakainom ang lahat pero nagalit ang Diyos sa ginawa ni Moses at sinabi, “Hindi ka makakapasok sa Lupang Pangako.”
Pagkatapos ng 40 taon na pagpapalaboy-laboy nila sa ilang namatay na lahat ng mga taong hindi sumunod sa Diyos noon. Ginabayan ng Diyos ang mga Israelita para bumalik muli sa malapit sa Lupang Pangako. Matandang matanda na si Moses noon kaya pinili ng Diyos si Joshua para tulungan siya na mamuno sa mga tao. Ipinangako rin ng Diyos kay Moses na isang araw pipili siyang muli ng propetang katulad niya.
Pagkatapos sinabihan ng Diyos si Moses na umakyat sa tuktok ng bundok para matanaw man lang ang Lupang Pangako. Nakita nga ni Moses ang Lupang Pangako pero hindi siya pinayagan ng Diyos na makarating doon. Namatay si Moses at nagluksa ng 30 na araw ang mga Israelita. Pagkatapos si Joshua na ang pumalit na bagong pinuno nila. Siya ay naging mabuting pinuno dahil nagtitiwala siya at sumusunod sa Diyos.