unfoldingWord 07 - Pinagpala ng Diyos si Jacob
Outline: Genesis 25:27-35:29
Script Number: 1207
Language: Tagalog
Audience: General
Genre: Bible Stories & Teac
Purpose: Evangelism; Teaching
Bible Quotation: Paraphrase
Status: Approved
Scripts are basic guidelines for translation and recording into other languages. They should be adapted as necessary to make them understandable and relevant for each different culture and language. Some terms and concepts used may need more explanation or even be replaced or omitted completely.
Script Text
Habang lumalaki ang mga bata, mas gusto ni Jacob na manatili lang sa bahay, pangangaso naman ang hilig ni Esau. Mahal ni Rebekah si Jacob at mahal naman ni Isaac si Esau.
Isang araw pagbalik ni Esau galing sa pangangaso, gutom na gutom siya kaya sinabi niya kay Jacob, “Pwede mo ba akong bigyan ng pagkaing niluto mo?” Sumagot naman si Jacob, “Ibigay mo muna sa akin ang mga karapatan mo bilang panganay.” Pumayag naman si Esau kaya naman binigyan siya ni Jacob ng pagkain.
Gustong ibigay ni Isaac kay Esau ang pagpapala niya. Pero bago niya iyon nagawa, nilinlang siya ni Rebekah at Jacob. Nagkunwari si Jacob na siya si Esau. Matanda na si Isaac at hindi na siya makakita. Isinuot ni Jacob ang damit ni Esau at naglagay siya ng balat ng kambing sa leeg at mga braso niya.
Pumunta si Jacob kay Isaac at sinabi, “Ako si Esau. Nagpunta po ako rito para hingin ang pagpapala niyo.” Nang mahawakan ni Isaac ang balahibo ng kambing at maamoy ang damit niya, inakala ni Isaac na siya nga si Esau at pinagpala niya ito.
Nagalit si Esau dahil inagaw ni Jacob ang mga karapatan niya bilang panganay at pati na rin ang pagpapala ng kanilang ama. Dahil doon, plinano ni Esau na patayin si Jacob kapag namatay na ang kanilang amang si Isaac.
Pero narinig ni Rebekah ang plano ni Esau kaya pinapunta nila ni Isaac si Jacob sa malayo para tumira sa lugar ng mga kamag-anak ni Rebekah.
Tumira si Jacob sa mga kamag-anak ni Rebekah sa loob ng maraming taon. Nang mga panahon na iyon nakapag-asawa siya at nagkaroon ng 12 na anak na lalaki at isang anak na babae. Ginawang masagana ng Diyos ang buhay niya.
Lumipas ang 20 na taon nang umalis siya sa pamilaya niya sa Canaan. Bumalik siya doon kasama ng pamilya niya, mga alipin at mga alagang hayop.
Pero takot na takot si Jacob dahil iniisip niyang gusto pa rin siyang patayin ni Esau kaya pinapunta ni Jacob ang mga alipin niya kay Esau at nagdala sila ng mga hayop bilang regalo at sinabing, “Binibigay po ni Jacob na lingkod niyo ang mga hayop na ito. Parating na siya.”
Pero matagal nang napatawad ni Esau si Jacob kaya masayang-masaya silang nagkita ulit. Namuhay na ng tahimik si Jacob sa Canaan. Pagkatapos, namatay si Isaac at sila ang naglibing sa ama nila. At ang pangako ng Diyos kay Abraham at Isaac ay naipasa na kay Jacob.