LLL 4 Ang mga alagad ng DIYOS
Omrids: Ruth, Samuel, David, Elijah. 24 sections. It has a picture book to go along with the recording. This Simple script is meant for unwritten languages where the translation must be oral.
Script nummer: 421
Sprog: Tagalog
Tema: Sin and Satan (Sin, disobedience); Christ (Birth of Christ); Eternal life (Salvation); Character of God (Nature, character of God, Word of God (the Bible), Power of God / Jesus); Living as a Christian (Obedience, Faith, trust, believe in Jesus, Children of God, Humility); Bible timeline (Prophecy, fulfillment of, Gospel, Good News, People of God)
Publikum: General
Formål: Teaching
Features: Monolog; Bible Stories; Extensive Scripture
Status: Approved
Scripts er grundlæggende retningslinjer for oversættelse og optagelse til andre sprog. De bør tilpasses efter behov for at gøre dem forståelige og relevante for hver kultur og sprog. Nogle anvendte termer og begreber kan have behov for mere forklaring eller endda blive erstattet eller helt udeladt.
Script tekst
Magandang araw kaibigan. Mahal ng Diyos ang lahat ng tao at Siya ay nagmamalasakit sa lahat. Karapatdapat Siya sa ating pagpupuri. Ang pag-ibig ng Diyos ang dahilan upang tayo ay makapaglingkod at makasunod sa Kanya. Pakinggan ninyo ang kuwento na nangyari maraming taon na ang nakalipas, mga pangyayari na naka sulat sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Tingnan ang litrato sa kulay dilaw na libro at ilipat ang pahina kapag nakarinig ng tunog na ganito. (Tunog)
Unang Larawan: Ang paglikas ng pamilya sa taggutom
Ruth 1:1-5
Nilikha ng Diyos ang lahat ng tao, subalit sila ay tumalikod sa Kanya. Dahil mahal ng Diyos ang bayan ng Israel kaya sila ang napili upang Siya ay kilalanin at sambahin. Nakipagtipan ang Diyos sa kanila upang maipakita sa buong mundo ang Kanyang kamangha manghang biyaya. Ginamit ng Diyos ang Israel upang ang Kanyang pangalan ay matanyag sa lahat ng bansa. Subalit ang bansang Israel ay madalas na sumuway laban sa Diyos. Sila ay sumamba sa mga diyos diyosan katulad ng ibang bansa na nakapaligid sa kanila. Nagpadala ang Diyos ng digmaan at kagutuman sa bayan ng Israel upang sila ay mapanumbalik muli sa Kanya. Noong panahon na iyon nagpasya ang isang pamilya na pumunta sa lupain ng Moab upang maghanap ng pagkain. Nanirahan sila sa lupaing yaon sa loob ng sampung taon. Doon namatay ang kanilang ama. Ang dalawang anak na lalaki ay nakapag asawa ng Moabita. Pagkatapos, namatay din ang mga anak na lalaki. Tanging ang ina at ang kanyang dalawang manugang na babae ang naiwan sa dayuhang lupain. (Tunog)
Ikalawang Larawan: Bumalik sila Naomi at Ruth sa Israel
Ruth 1:6-22
Ang ina ng pamilya ay si Naomi. Ang kanyang mga manugang na Moabita ay sina Ruth at Orpa. Nagpasya si Naomi na bumalik sa kanyang sariling bayan. Sinamahan siya nina Ruth at Orpa sa kanyang paglalakbay. Sinabi ni Naomi sa kanila, “Mga anak, huwag na kayong sumama sa akin. Bumalik na kayo sa inyong mga magulang. Hindi na ako magkakaanak pang muli upang inyong mapangasawa. Umuwi na kayo. Matanda na ako para mag-asawang muli. Pinabayaan na ako ng Diyos.” Kaya hinagkan ni Orpa si Naomi at ito ay bumalik na sa tahanan ng kanyang mga magulang. Nagpaiwan si Ruth kay Naomi at nagsabi, “Huwag po ninyong hilinging iwanan ko kayo. Saan man kayo pumunta, doon ako pupunta. Kung saan kayo tumira, doon din ako titira. Ang inyong bayan ang magiging aking bayan. Ang inyong Diyos ang magiging aking Diyos.” Kaya, si Ruth ay sumama kay Naomi sa Bethlehem sa lupain ng Juda. (Tunog)
Ikatlong Larawan: Si Ruth sa bukirin
Ruth 2:1-23
Sina Naomi at Ruth ay mahirap ang pamumuhay. Nagsabi si Ruth kay Naomi, “Pupunta po ako sa bukid at mamumulot ng mga uhay na naiiwan ng mga gumagapas. Doon ako sa may likuran ng sinumang papayag.” At nagpunta siya sa bukid kung saan ang mga manggagawa ay nag aani ng butil. Ang may ari ng bukiring iyon ay si Boaz. Tinanong niya ang kanyang mga katiwala kung sino ang dayuhang babae na nasa kanyang bukirin. Sumagot ang isa sa kanila, “Siya po ang babaeng mula sa Moab na kasama ni Naomi nang umuwi rito.” Narinig ni Boaz kung gaano ito kabuti sa kanyang biyenan na babae at nakita niya na ito ay masipag. Kaya’t sinabi niya kay Ruth, “Manatili ka rito kasama ang aking mga manggagawang babae. Tingnan mo kung saan nag-aani ang mga kalalakihan at sumunod ka sa kanila kasama ng mga kababaihan.” Sinabihan ni Boaz ang mga kalalakihan na nagtatrabaho sa kanya na huwag gambalain si Naomi, at mag-iwan ng mga butil upang kanyang maipon. Nang gabing iyon ay sinabi ni Ruth kay Naomi ang tungkol sa kabutihan ni Boaz. Sinabi ni Naomi, “Pagpalain nawa siya ni Yahweh!” At sinabi pa ni Naomi, "Ang taong iyon ay malapit nating kamag-anak.” (Tunog)
Ikaapat na larawan: Si Ruth at si Boaz sa giikan
Ruth 3:1-18
Isang araw sinabi ni Naomi kay Ruth, “Anak, kailangang ihanap kita ng magiging asawa upang magkaroon ka ng sariling tahanan. Si Boaz ay ating kamag-anak. Magpapagiik siya ng sebada ngayong gabi. Kaya't maligo ka, magpabango ka at isuot mo ang pinakamaganda mong damit. Pagkatapos, pumunta ka sa giikan. Tingnan mo kung saan siya matutulog. Lumapit ka, iangat mo ang takip ng kanyang paa, at mahiga ka sa may paanan niya. Sasabihin niya sa iyo ang nararapat mong gawin.” Ginawa nga ni Ruth ay mga sinabi sa kanya ni Naomi. Nang magising si Boaz at nakita niya si Ruth sa kanyang paanan, alam niya na gusto siya nitong pakasalan, sapagka't iyon ang kaugalian sa Israel noong panahong iyon. Kapag namatay ang isang lalaki sa Israel, ang kanyang pinakamalapit na kamag-anak ay maaaring magpakasal sa kanyang nabalong asawa. Kaya’t sinabi ni Boaz kay Ruth, “Huwag kang matakot. Gagawin ko para saiyo ang lahat ng hinihiling mo. Iginagalang ka ng lahat ng taong bayan.” (Tunog)
Ikalimang larawan: Si Boaz at ang mga matatanda sa Bethlehem
Ruth 4:1-22
Nagtawag si Boaz ng sampung matatanda sa pintuan ng Bethlehem. May isa pa silang kamag-anak na unang may karapatang magpakasal kay Ruth, ngunit silang lahat ay sumang-ayon na si Boaz ang dapat na makasal sa kanya. Upang mapagtibay ang kanilang kasunduan, ibinigay ng kanilang kamag anak ang kanyang sandalyas kay Boaz. Ito ang kaugalian sa Israel. Kinuha ni Boaz si Ruth bilang kanyang asawa at sila ay nagkaroon ng anak na lalaki na ang pangalan ay Obed. Kaya, sinabi ng mga kababaihan kay Naomi, “Purihin ang Panginoon! Hindi ka niya pinabayaan na walang apo na mag aalaga sa iyo. Maging tanyag nawa siya sa Israel! Maghatid nawa siya ng kaaliwan sa puso mo at mag-alaga sa iyong pagtanda. Ang mapagmahal mong manugang, na nagsilang sa bata, ay higit pa kaysa saiyong pitong anak na lalaki.” At hindi naglaon, si Obed ay naging lolo ni David, ang dakilang hari ng Israel. (Tunog)
Ikaanim na larawan: Si Maria at ang anghel ng Diyos
Luke 1:26-38, 2:1-7
Maraming taon ang nakalipas pagkatapos ni Ruth, ang Diyos ay muling pumili ng isa babae upang maglingkod sa Kanya. Ang kanyang pangalan ay Maria. Siya ay nagmula sa angkan ni Ruth. Si Maria ay isang birhen at nakatakda ng ikasal sa isang lalaki na nagngangalang Jose. Ngunit bago sila ikasal, isang anghel ng Diyos ang nagpakita kay Maria. Sinabi niya sa kanya, “Huwag kang matakot, Maria: sapagka't nakasumpong ka ng biyaya mula sa Diyos. Magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki, at papangalanan mo siyang Jesus. Magiging dakila siya at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ang Kanyang kaharian ay hindi magwawakas.” Nagtanong si Maria sa anghel, “Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?” Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos.” Sumagot si Maria, “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Nagbuntis si Maria at nanganak ng isang sanggol na lalaki at pinangalanan niya itong Jesus. (Tunog)
Ikapitong larawan: Nanalangin si Ana/Hanna sa Diyos
1 Samuel 1:1-20
Pagkatapos ng panahon ni Ruth, may isa pang babae sa lupain ng Israel na ang pangalan ay Ana/Hanna. Siya ang asawa ni Elkana. Mahal na mahal si Ana/Hanna ng kanyang asawa, ngunit hindi siya masaya sapagkat hindi siya magkaanak dito. Si Elkana ay may mga anak sa isa pa niyang asawa na si Penina. Iniinsulto nito si Ana/Hanna at pinagtatawanan sapagkat hindi ipinahintulot ng Diyos na siya ay magkaanak. Taon taon ay nagpupunta sila sa templo ng Diyos sa Shilo upang sumamba at mag-alay ng mga handog sa Diyos. Nagtungo si Ana/Hanna sa templo upang manalangin sa Diyos at tumangis, “O Panginoon, alalahanin po ninyo ang inyong lingkod at pagkalooban ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo at habang buhay na siya’y nakalaan para Saiyo.” Habang nananalangin si Ana/Hanna sa Diyos, nakita siya ni Eli ang punong saserdote, gumagalaw ang kanyang mga labi ngunit hindi naririnig ang kanyang tinig. Dahil dito, inakala ni Eli na siya'y lasing. Kaya, lumapit ito at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan ka maglalasing? Tigilan mo na ang pag-inom ng alak!” “Hindi po ako lasing,” sagot ni Ana. “Idinudulog ko lang po sa Panginoon ang paghihirap na aking nararamdaman. Huwag po ninyong isipin na masama akong babae. Nananalangin po ako rito dahil sa labis na kalungkutan.” Dahil dito, sinabi ni Eli, “Ipanatag mo ang iyong sarili. Naway ipagkaloob ng Diyos ng Israel ang hinihiling mo sa Kanya.” Tinugon ng Diyos ang panalangin ni Ana/Hanna. At dumating ang panahon na nanganak siya ng isang sanggol na lalaki. At pinangalanan niya itong Samuel. (Tunog)
Ikawalong larawan: Ang batang si Samuel sa Templo ng Diyos
1 Samuel 1:24-28, 1 Samuel 2:12-21; 1 Samuel 3:1-21
Noong bata pa si Samuel, inialay na siya ni Ana/Hanna sa Diyos. Dinala ni Ana/Hanna si Samuel sa templo sa Shilo upang makasama ni Eli. At doon tinuruan ni Eli si Samuel kung paano maglingkod sa Diyos. Si Eli ay may dalawang anak na lalaki, sila ay mga pari subalit hindi sila sumusunod sa Diyos. Kaya itinigil ng Diyos ang pakikipag usap sa mga tao sa pamamagitan ng mga pari. Isang gabi, habang si Samuel ay nakahiga sa loob ng templo. Bigla siyang tinawag ng Diyos, “Samuel! Samuel!” Patakbo siyang lumapit kay Eli, “Narito po ako. Bakit nyo po ako tinawag?” Ngunit sinabi ni Eli, “Hindi kita tinawag, bumalik ka na at matulog ulit.” Nangyari ito ng tatlong beses. Kaya napagtanto ni Eli na ang Diyos ang tumatawag kay Samuel. Kaya sinabi niya kay Samuel na tugunin ang Diyos at sabihin, “Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig ang inyong lingkod.” Kaya ng tinawag muli ng Diyos si Samuel sa ikaapat na beses ay sumagot ito, “Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig ang inyong lingkod.” Sinabi ng Diyos kay Samuel na malapit na niyang hatulan ang pamilya ni Eli dahil sa kasamaan ng kanyang mga anak. Kinaumagahan, pinilit ni Eli si Samuel na sabihin sa kanya kung ano ang sinabi ng Panginoon. Kaya sinabi nga niya. Maraming beses na nakipag usap ang Diyos kay Samuel at siya ay naging mahusay na pari, propeta at pinuno sa Israel. (Tunog)
Ikasiyam ng larawan: Nanalangin si Samuel para sa Israel
1 Samuel 4:1-21, 7:2-14; Exodo 20:2,5
Ginawa nga ng Diyos ang kanyang sinabi tungkol sa masasamang anak ni Eli. Napatay ang mga anak ni Eli sa digmaan nang matalo ng Filesteo ang Israel. Sa loob ng dalawangpung taon ang Filesteo ang namuno sa bansang Israel. Kaya sinabi ni Samuel sa mga tao, “Kung kayo ay manunumbalik sa Diyos ng buong puso, alisin sainyong buhay ang mga diyos diyosan at mangako sa Panginoon na siya lamang ang inyong paglilingkuran ay ililigtas Niya kayo mula sa kamay ng mga Filesteo.” At sinunod nga ng mga Israelita si Samuel. Sila ay nagsamasama sa isang lugar. At doon ay nag-alay si Samuel ng handog para sa Diyos at nananalangin para sa Israel. At nang muling salakayin ng Filesteo ang Israel ay nagpadala ang Diyos sa kanila ng malakas na bagyo. At takot na tumakas ang mga Filesteo, at nagawa silang talunin ng Israel. (Tunog)
Ikasampung larawan: Pinahiran ni Samuel ng langis si Saul
1 Samuel 8:1 - 10:1
Ang Diyos ang tunay na hari ng Israel at si Samuel ang namumuno sa mga tao para sa Kanya. Ngunit nais ng mga Israelita na magkaroon din sila ng hari katulad ng mga ibang bansa. Hindi nasiyahan si Samuel ng marinig ito. Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, “Sundin mong lahat ang sinasabi nila sapagkat hindi ikaw kundi ako ang itinatakwil nila bilang kanilang hari.” May isang binata na ang pangalan ay Saul, siya ay matangkad at makisig. Isang araw pumunta si Saul kay Samuel. Nang makita ni Samuel si Saul, nagsalita ang Panginoon kay Samuel, “Siya ang taong sinasabi ko sa iyo. Pamumunuan niya ang aking bayan.” Kaya, kumuha si Samuel ng lalagyan ng langis at ibinuhos ang langis sa ulo ni Saul. Ito ang palatandaan na siya ang pinili na maging hari. Sa loob ng apatnapung taon si Saul ang namuno sa Israel bilang hari. (Tunog)
Ikalabing isang larawan: Itinakwil ng Diyos si Saul bilang hari
1 Samuel 15:1-29
Sa panahon ng paghahari ni Saul, maraming beses na napinsala ng Amalekita ang Israel. Kaya’t sinabi ni Samuel kay haring Saul, “Pakinggan mo ang mensahe mula sa Diyos. Lusubin mo ang Amalek at lipulin silang lahat. Wasakin mo ang lahat ng kanilang mga ari-arian at huwag magtitira kahit isa.” Tinulungan ng Diyos si Saul at ang kanyang hukbo upang talunin ang mga Amalekita. Ngunit ang mga Israelita ay sumuway sa Diyos. Itinira nila ang pinakamagagandang hayop ng mga Amalekita upang ipang alay sa Diyos at hindi rin nila pinatay ang hari ng Amalek tulad ng iniutos sa kanila ng Diyos. Kaya sinabi ni Samuel kay Saul, “Mas nalulugod ba ang Panginoon sa mga handog ninyo kaysa sa pagsunod sa kanya? Ang pagsunod sa Panginoon ay mas mabuti kaysa sa mga handog. Ang pakikinig sa kanya ay mas mabuti kaysa sa paghahandog ng mga taba ng tupa. Ang pagsuway sa Panginoon ay kasinsama ng pangkukulam at ang katigasan ng uloʼy kasinsama ng pagsamba sa mga dios-diosan. Dahil sa pagsuway mo sa salita ng Panginoon, itinakwil ka rin niya bilang hari.” Nang patalikod na si Samuel para umalis, hinawakan ni Saul ang laylayan ng damit niya at napunit ito. Sinabi ni Samuel sa kanya, “Inalis na sa iyo ngayon ng Panginoon ang kaharian ng Israel at ibinigay ito sa iba - sa isang tao na mas mabuti kaysa sa iyo.” (Tunog)
Ikalabing dalawang larawan: Si Hesus sa Templo ng Diyos
Lukas 2:41-50, 1:35
Maraming taon ang lumipas pagkatapos ni Samuel, ipinadala ng Diyos ang Kanyang anak na si Hesus sa mundong ito na isang sanggol sa Israel. Ipinanganak siya bilang anak ni Maria. Noong siya ay labing-dalawang taong gulang, si Maria at ang asawang si Jose ay nagtungo sa Herusalem kasama si Hesus. Noong sila ay pabalik na, napansin nila na hindi nila kasama si Hesus kaya hinanap nila ito. At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Hesus sa templo na nakaupong kasama ng mga tagapagturo ng Kautusan. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong. Namangha ang lahat ng nakarinig sa mga isinasagot niya at sa kanyang katalinuhan. Sinabi ni Maria sa Kanya, “Anak, bakit mo ito ginawa sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo!” Sumagot si Hesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay narito ako sa bahay ng aking Ama?” Noong si Hesus ay isang bata pa lamang katulad ni Samuel, alam na niya na kaya Siya naroon ay upang maglingkod sa Diyos. Patuloy na lumaki si Hesus at lalo pang naging matalino. Kinalugdan siya ng Diyos at ng mga tao. (Tunog)
Ikalabing tatlong larawan: Si David, Ang magiting na Pastol
1 Samuel 16:1-13, 1 Samuel 17:34,35
Si Saul ang unang hari ng Israel, subalit patuloy siyang sumuway sa Diyos. Kaya iniwan na siya ng Diyos at hindi na muling tinulungan. May isang batang lalaki na nagngangalang David. Siya ay tagapangalaga ng mga tupa ng kanyang ama. Nagtitiwala si David sa Diyos at hindi siya natatakot sa panganib. Isang araw ay nahuli ng leon ang isa niyang mga tupa. Pinatay ni David ang leon at nailigtas ang kanyang tupa. Gumawa rin siya ng magagandang musika at umaawit ng papuri para sa Diyos. Ang kanyang mga kanta ay tinawag na “Mga Awit” at matatagpuan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Si David ay ang taong kinalulugdan ng Diyos, kaya siya ang pinili Niya upang maging hari pagkatapos ni Saul. Ngunit naging hari lamang siya pagkamatay ni Saul.
Ikalabing apat na larawan: Si David at ang Higante
1 Samuel 17:1-54
Nagkaroon ng digmaan sa pagitan ng Israel at ng mga Filesteo. At kasama ng mga Filesteo ang isang higante na si Goliat. Sumigaw siya sa mga Israelita at sinabi, “Pumili kayo ng isang taong kakatawan sa inyo na lalaban sa akin. Kung mapapatay niya ako, magpapaalipin kami sa inyo; pero kung mapapatay ko siya, magpapaalipin kayo at maglilingkod sa amin.” Natakot ang mga Israelita kay Goliat at walang nais na makipaglaban sa kanya. Nang magkagayo’s sinabi ng batang si David, “Sino ba ang Filisteong iyon na humahamon sa mga sundalo ng buhay na Diyos?” Hindi natakot si David sa higante kaya hiniling niya kay haring Saul na hayaan siyang lumaban kay Goliat at pumayag naman ang hari. Nagtungo si David kay Goliat at nagsabi, “Makikipaglaban ka sa akin na ang dalaʼy espada, sibat, at punyal, pero lalabanan kita sa pangalan ng Makapangyarihang Diyos. Malalaman ng lahat ng nagkakatipon dito na kayang iligtas ng Panginoon ang kanyang bayan kahit na walang espada o sibat. Sapagkat ang Panginoon ang makikipaglaban at ibibigay niya kayong lahat sa amin.” Pagtapos ay kumuha si David ng bato sa kanyang lalagyan at tinirador sa noo si Goliat. Tumama ito at bumaon sa noo ni Goliat at natumba siya nang padapa sa lupa. Tumakbo siya papunta kay Goliat, kinuha ang espada nito at pinugutan ito ng ulo. Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang mahusay nilang mandirigma, nagtakbuhan sila papalayo. Hinabol sila at tinalo ng hukbo ng Israel. (Tunog)
Ikalabinglimang larawan: Tinangkang patayin ni Saul si David
1 Samuel 18:1 - 19:10
Noong una ay natutuwa si Saul kay David dahil nailigtas nito ang Israel. Gustong gusto ng mga taga Israel si David. Siya ay naging isang mahusay na sundalo at pinuno sa Israel. Masaya silang sumusunod sa kanya. Subalit nainggit si Saul kay David. Isang araw, habang tumutugtog si David ng alpa/plauta, pinasukan si Saul ng masamang espiritu, kinuha niya ang kanyang sibat at dalawang beses niyang inihagis kay David. Ang balak niyaʼy itusok si David sa dingding, pero nakailag ito at nakatakas. Pagkatapos ng pangyayaring ito ay marami pang beses na sinubukang patayin ni Saul si David. Subalit ginabayan ng Diyos si David sa pamamagitan ng kanyang anak na si Jonatan at ng ibang mga Israelita. Subalit kinailangan paring tumakas ni David sa malayong lugar upang makalayo kay Saul. (Tunog)
Ikalabing anim na larawan: Iniligtas ni David ang buhay ni Saul
1 Samuel 26:1-25; Romans 12:19
Isang araw, si Saul at ang kanyang hukbo ay nagtungo sa ilang upang hanapin si David. Kinagabihan, habang natutulog si Saul at ang kanyang mga tauhan, lihim na pinasok nina David at Abishai ang kampo ni Saul. Nais na patayin ni Abishai ang natutulog na hari, ngunit pinigilan ito ni David. Sinabi ni David sa kanya, “Parurusahan ng Diyos ang sinumang papatay sa kanyang piniling hari.” Kaya kinuha ni David ang sibat at ang lalagyan ng tubig na nasa ulunan ni Saul. Nang makalabas sila sa kampo, sumigaw si David upang gisingin ang mga kawal ni Saul. Tinawag niya si Abner, ang tagapangalaga sa hari, “Abner, bakit hindi mo binantayang mabuti ang mahal na hari? Tingnan nʼyo nga kung makikita pa ninyo ang sibat at lalagyan ng tubig na nasa ulunan niya?” Sinabi ni David kay Saul, “Binigyan ko ng halaga ang buhay ninyo ngayon at sanaʼy bigyan din ng halaga ng Panginoon ang buhay ko at iligtas Niya ako sa lahat ng kapahamakan.” Pagkatapos, nagpatuloy na si David sa kanyang paglalakbay at si Saul naman ay bumalik na sa kanyang lugar. (Tunog)
Ikalabing pitong larawan: Naging hari si David
1 Samuel 31:1-6; 2 Samuel 5:1 - 7:16
Ang mga Filisteo ay muling nakipaglaban sa Israel. Si Haring Saul, ang kanyang anak na si Jonatan at ang iba pa niyang anak na lalaki ay namatay sa labanan. At nagkaisa ang lahat na si David ang maging hari ng Israel. Itinayo niya ang kanyang palasyo sa lungsod ng Jerusalem. Sinabi ng Diyos kay David, “Ikaw ang gagabay sa mga mamamayan kong Israelita gaya ng paggabay ng isang pastol sa mga tupa niya. Ikaw ang magiging pinuno nila. Ngayon ay gagawin kong dakila ang iyong pangalan, tulad ng mga pangalan ng pinakadakilang tao sa mundo.” Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ang naging hari, naghanda silang lahat upang makipaglaban sa kanya. Ngunit nagtiwala si David sa Diyos at ginawa niya ang mga inutos sa kanya ng Panginoon, kaya napatay niya ang mga Filisteo. At dumating ang panahon na natalo niya ang lahat ng mga Filisteo. (Tunog)
Ikalabing walong larawan: Si David at si Batsheba
2 Samuel 11:1 - 12:24; Exodo 20:14
Nang panahong pumupunta ang mga hari sa digmaan para makipaglaban, hindi sumama si David at nagpaiwan lang siya sa Jerusalem. Isang gabi, habang naglalakad si David sa bubungan ng palasyo, may nakita siyang isang magandang babaeng naliligo. Ninais ni David na maging kanya ito. Ang pangalan ng babe ay si Batsheba ang asawa ni Uria na isa sa mga sundalo ng hukbo ni David. Si Uria ng panahong iyon ay nakikipaglaban sa mga kaaway ng Israel. Ipinasundo ni David si Batsheba at sinipingan niya ito. Pagkatapos nito ay umuwi na si Batsheba at dahil sa nangyari ay nabuntis ito at ipinaalam niya ito kay David. Nagpadala ng kautusan si David sa kapitan ng hukbo, at kanyang sinabi na tiyakin na mamamatay si Urias sa labanan at ito nga ay namatay. Pagkatapos ay kinuha ni David si Batsheba upang maging kanyang asawa. Sinugo ng Diyos ang propetang si Natan upang sabihin na mali ang kanyang ginawa. Si David ay labis na nagsisi sa kanyan nagawang kasalanan at humingi ng kapatawaran sa Diyos. Sinabi ni Natan kay David, “Pinatawad ka na ng Diyos at hindi ka mamamatay sa kasalanang ginawa mo. Ngunit dahil nilapastangan mo ang Diyos, ang anak mo ang mamamatay.” Nag ayuno si David at nanalangin ng maraming araw. Subalit, ipinahintulot parin ng Diyos na magkasakit ng malubha ang anak ni David kay Batsheba at ito ay namatay. Dinamayan ni David ang asawa niyang si Batsheba. Hindi naglaon nabuntis muli si Batsheba at nanganak ng isang lalaki, at pinangalanan nilang Solomon. Mahal ng Diyos si Solomon. (Tunog)
Ikalabing siyam na larawan: Ang templo para sa Diyos
1 Cronica 22:1-19, 28:1-7
Si David ay nagkasala sa Diyos, subalit mahal niya ang Diyos at nais niya itong patuloy na paglingkuran. Nais niyang magtayo ng magandang templo kung saan maaring magtagpo ang mga tao upang sumamba sa Diyos. Ngunit sinabi ng Diyos sa kanya, “Hindi ikaw ang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan dahil isa kang sundalo at marami kang napatay. Ngunit ang iyong anak na si Solomon ay magiging isang tao ng kapayapaan at kapahingahan. Siya ang magpapatayo ng aking templo. Bibigyan ko siya ng kapahingahan mula sa kanyang mga kaaway at patatatagin ko ang kanyang kaharian sa Israel magpakailanman. Naghanda si David ng maraming bagay para sa templo ng Diyos sa Jerusalem bago siya namatay, ngunit si Solomon ang nagtayo nito. Pitong taon ang ginugol sa pagtatayo ng templo. Ang mga tao ng Israel ay sumamba sa Diyos sa templong ito sa Jerusalem sa loob ng daang taon, at hindi nila nakalimutan na si David ay isang magaling na hari. (Tunog)
Ikadalawampung larawan: Pumunta si Jesus sa Jerusalem
Mateo 21:1-11
Mga isang libong taon pagkatapos ni David, pinadala ng Diyos si Jesus sa mundong ito bilang isang sanggol. Si Jesus ang pinakadakilang lingkod ng Diyos. Itinuro niya sa mga tao ang katotohanan tungkol sa Diyos. Gumawa siya ng mga himala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Sina Saul at David at lahat tayo ay nagkasala sa Diyos. Ngunit si Jesus ay hindi kailanman nagkasala. Isang araw sumakay si Jesus sa isang asno at nagtungo sa Jerusalem. Ang mga tao ay lumabas upang salubungin si Jesus at sumigaw, "Hosanna, Anak ni David!" Ang ibig sabihin ng Hosanna ay 'hiniling namin sa iyo na iligtas kami'. At sila ay sumigaw din ng “Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos!” Nakita ng mga tao na si Jesus ay mas higit kaysa kay David. Siya ang dakilang hari, ang napiling Mesiyas ng Diyos, na inihula ng mga propeta daan-daang taon na ang nakaraan. Siya ang hari ng lahat ng mga hari. (Tunog)
Ikadalawamput isang larawan: Pinakain ng mga uwak si Elias
1 Hari 16:29-33, 17:1-6
Pagkatapos nila David at Solomon, may mga ibang hari pa ang namuno sa Israel at isa dito ay si Ahab. Marami siyang ginawa na hindi maganda sa paningin ng Diyos. Sumamba siya sa dios-diosang si Baal. Nagpatayo siya ng templo at altar para kay Baal sa Samaria. Nagpakasal siya sa isang dayuhang babae, na nagngangalang Jezebel, na sobra ang kasamaan. Pinatay niya ang maraming tagasunod ng Diyos, at pinilit niya ang mga tao na sumamba sa dios diosang si Baal. Si Elias ay isang dakilang propeta ng Diyos sa panahong iyon. Nagtungo siya kay Ahab at kanyang sinabi rito, “Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng buhay na Panginoon, ang Diyos ng Israel na aking pinaglilingkuran, na wala ni hamog o ulan na darating sa loob ng ilang taon hanggaʼt hindi ko sinasabi na umulan o humamog.” Kaya nagpadala ang Diyos ng taggutom sa lupain ng Israel. Gayunpaman, patuloy na pinangangalagaan ng Diyos ang kaniyang lingkod na si Elias. Ipinadala niya si Elias sa isang lugar na tinatawag na Kerit, kung saan maaari siyang uminom mula sa batis at dinadalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne tuwing umaga at gabi para kanyang makain. (Tunog)
Ikadalawamput dalawang larawan: Si Elias at ang Apoy ng Diyos
1 Hari 18:16-46
Sa ikatlong taon ng taggutom ay sinabi ni Elias kay Ahab na tawagin ang lahat ng mga tao ng Israel at ang mga propeta na naglingkod sa dios diosang si Baal, sa bundok na tinatawag na Carmel. Lumapit si Elias sa mga tao at sinabi, “Hanggang kailan pa ba kayo mag-aalinlangan? Kung ang Panginoon ang totoong Diyos, sundin ninyo Siya, pero kung si Baal ang totoong dios, sundin ninyo ito.” Subalit hindi sumagot ang mga tao. Kaya sinabi ni Elias, “Ngayon, dalhan ninyo kami ng dalawang toro. Pagkatapos, pumili ang mga propeta ni Baal ng kanilang kakatayin at ilagay ito sa ibabaw ng gatong, pero hindi ito sisindihan. Ganoon din ang gagawin ko sa isang toro; ilalagay ko rin ito sa ibabaw ng gatong at hindi ko rin ito sisindihan. Pagkatapos, manalangin kayo sa inyong dios, at mananalangin din ako sa aking Panginoon. Ang sasagot sa pamamagitan ng apoy ang siyang totoong Diyos.” At sumang-ayon ang mga tao. Buong araw ang mga pari ni Baal ay tumawag sa kanilang diyos. Sumayaw sila sa paligid ng kanilang alay at sinugatan pa nila ang kanilang mga sarili gamit ang mga patalim. Ngunit walang apoy na dumating. Tinuya na sila ni Elias at kanyang sinabi, “Sige lakasan nʼyo pa ang pagsigaw! Baka nagbubulay-bulay lang siya, o nagpapahinga, o may pinuntahan, o kayay nakatulog at kailangang gisingin.” Ang mga propeta ni Baal ay sumigaw ng malakas at patuloy na nagsayaw, ngunit wala pa ring apoy na dumating.
Nang oras na ng paghahandog, inayos ni Elias ang altar ng Diyos na nagiba at ginawan ng kanal ang paligid ng altar. Iniayos niya nang mabuti ang panggatong sa altar, kinatay ang toro at inilapag ito sa ibabaw ng gatong. Pagkatapos, ay sinabi niya sa mga tao, “Kumuha kayo ng apat na bangang tubig at ibuhos sa handog at sa kahoy.” Sinabi niya sa kanila na gawin ito ng tatlong beses hanggang sa handog, ang kahoy at ang kanal ay mapuno ng tubig. Pagkatapos ay nanalangin siya sa Diyos, “Panginoon, Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob, patunayan ninyo sa araw na ito, na kayo ang Diyos ng Israel at ako ang inyong lingkod.” Agad na bumagsak ang apoy mula sa langit sa sakripisyo ni Elias at sinunog nito ang handog, kahoy, at maging ang tubig sa kanal. Nang makita ito ng lahat ng tao, nagpatirapa sila at sinabi, “Ang Panginoon ang siyang Diyos! Ang Panginoon ang siyang Diyos!” Pagkatapos nito ay nanalangin si Elias para sa ulan at nagpaulan ang Diyos. At natapos na ang taggutom. (Tunog)
Ikadalawamput tatlong larawan: Si Elias ay dinala sa langit
1 Hari 19:1-21; 2 Hari 2:1-14
Pinatay ni Elias ang mga propeta ni Baal dahil sila ay masama. Dahil dito, ang asawa ni haring Ahab na si Jezebel ay nagbanta na papatayin si Elias. Natakot si Elias, kaya tumakas siya sa malayong lugar sa disyerto. Doon kinatagpo ng Diyos si Elias. Matapos makipag usap ng Diyos sa kanya, hindi na siya natakot. Patuloy niyang tinuruan ang mga tao na sumamba lamang sa iisang tunay na Diyos. Inutusan ng Diyos si Elias na piliin ang isang magsasaka na nagngangalang Eliseo upang humalili sa kanya bilang propeta. Isang araw habang sila ay naglalakad, biglang may dumating na karwaheng apoy, dumaan ito sa gitna nila na nagpahiwalay sa kanila, at biglang dinala si Elias papuntang langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo. At hindi na nakita ni Eliseo si Elias. (Tunog)
Ikadalawamput apat na larawan: Sina Elias at Moises kasama si Jesus
Lucas 9:28-36
Mga 700 taon pagkatapos ni Elias, nang si Jesus ay nabuhay sa mundo, sinama niya ang tatlo sa kanyang mga alagad sa isang bundok upang manalangin. Habang nananalangin si Jesus, nagbago ang anyo ng kanyang mukha. At ang damit niya ay naging puting-puti at nakakasilaw tingnan. Biglang lumitaw ang dalawang lalaki – sina Moises at Elias – at nakipag-usap sa kanya. Tulog na tulog noon sina Pedro. Subalit nagising sila at nakita nila ang nagliliwanag na anyo ni Jesus at ang dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. May narinig silang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking Anak, na aking pinili. Pakinggan ninyo siya!” Nang tumigil ang tinig, nakita nilang nag-iisa na lang si Jesus. Bumaba sila mula sa bundok, at si Jesus patuloy na nagturo at gumawa ng maraming mga himala.
Si Jesus ay naparito sa lupa bilang isang ganap na lingkod ng Diyos. Ipinakita Niya sa atin kung paano nais ng Diyos na tayo ay mamuhay. Sa edad na 30 nagsimula siyang magturo sa mga tao at gumawa ng maraming mga himala. Noong Siya ay mga 33 taong gulang, ibinigay niya ang kanyang buhay, inako Niya ang parusa na nararapat sa atin. Ang pagsunod niya sa kanyang Ama ang naging daan para ang lahat ay maibalik ang magandang kaugnayan sa Diyos, malaya sa pagkakasala, kahihiyan at pangamba. Pinarangalan ng Diyos si Jesus sa pamamagitan ng pagkabuhay niya sa mga patay. Bibigyan din ng Diyos ng bagong buhay ang mga taong nagtitiwala kay Jesus at pupurihin Siya bilang Panginoon.
Patuloy na makinig sa mga kuwento upang mas higit nyong malaman ang pa tungkol kay Jesus at kung paano maging bahagi ng kanyang pamilya.